PRIVILEGE SPEECH: NO To The Anomalous Sasa Wharf Modernization Project thru PPP!

Want create site? With Free visual composer you can do it easy.

 

(Privilege Speech delivered by Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate at the House of Representatives on 27 May 2015)

Ginoong Speaker, mga kapwa ko Mambabatas:

Noong Lunes lamang ay nagtalumpati ako sa Kamarang ito ukol sa isa sa pinakamalaking proyekto ng Administrasyong Aquino sa ilalim ng sistemang Public-Private Partnership (PPP) – ang P124.9B Laguna Lakeshore Expressway  Dike (LLED) —   at sa maaring idulot nitong peligro sa ating mga mamamayan, lalu-lalo na sa mga nakatira sa paligid ng Lawa at mga kalapit nitong mga lugar.

Ngayong hapon, ako’y muling tumitindig sa aking personal at kolektibong pribilehiyo upang idulog sa inyo ang isa na namang panibagong proyektong PPP na mukhang maganda sa umpisa, ngunit lumalabas na talo na naman ang taumbayan sa huli.

Ginoong Speaker, malaking bahagi na ng ating kultura ang pagtitipid. Kapag namamalengke tayo, madalas ay pumipili tayo ng isang suking tindera upang matawaran natin ang kanyang mga paninda.

Kapag tayo ay namimili ng gamit, Divisoria agad ang una nating pupuntahan. Naghahanap tayo ng mga damit na maisusuot sa mga tiangge at ukay-ukay. Nililiitan natin ang paghiwa natin sa karne at gulay upang lalo itong ‘dumami’ pag inihalo sa sa lutong ulam.

Sa katunayan, pagtitipid din ang lohika sa likod ng programang Public-Private Partnership ng Administrasyong Aquino.

Imbes daw na gugulin natin ang buwis na ibinayad ng taumbayan sa mga proyekto at serbisyo, hayaan na nating mga pribadong kumpanya ang pumasok sa eksena at magpondo sa mga ito.

Kaya naman, allergic na tayo kapag may naririnig tayong balita tungkol sa overpricing ng mga pasilidad at gamit na binibili ng ating pamahalaan.

Overpriced na baril, overpriced na mga gamot, overpriced na mga police mobile cars, overpriced na mga helicopters, overpriced na mga firetrucks, overpriced na mga ambulansya, overpriced na mga PCOS Machines.

Nakakainit nga naman ng ulo, hindi ba?

Kaya ka nga nagpa-bidding, kaya ka nga sumailalim sa mahaba at komplikadong proseso ng procurement, kaya ka nga kumuha ng wholesale, ay para mabili natin ito sa mababang halaga.

Akala mo nakatipid ka, yun pala, napamahal ka pa. Nakwartahan ka ng wala sa oras.

Sana, hindi uminit ang ulo ninyo sa paksang aking uungkatin ngayon.

Sa Lungsod po ng Davao, kung saan ako nanggaling, ay mayroong binabalak na proyekto upang i-rehabilitate daw at i-modernize ang pampublikong pantalan ng Davao sa Barangay Sasa, sa distrito ng Buhangin, hiwalay lamang ng dalawang kilometro sa Island Garden City of Samal.

Ang Sasa Wharf ang pinakaunang pantalan sa Gulf ng Davao. Binuksan ito noong taong 1900 upang pasinayaan ang pagluluwas ng mga pangunahing produktong agrikultural ng Davao tulad ng Durian, Pinya, Copra, Suha, Mangosteen, at siyempre, ng pangunahing producto ng rehiyon, ang Saging.

Dahil hindi pa naman gaanong kalakihan ang mga plantasyon noon, hindi dinisensyo ng may kalakihan ang naturang pantalan.

Ngunit noong matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, tila napag-iwanan na yata ang Sasa Wharf.

Binuksan ito sa pandaigdigang pakikipagkalakalan, ngunit hindi naman napaglaanan ng panahon at ng pondo ang pagpapalaki sa kapasidad nito.

Dumarami ang bulto ng mga inaangkat at iniluluwas na kalakal ngunit hindi naman lumalaki ang pantalan upang saluhin ang mga produktong ito.

Kaya naman, naging daan ito kung bakit ang ilang mga malalaking pribadong kumpanya na magtayo ng kanilang sariling mga pantalan, na mas malaki ang kapasidad kumpara sa pantalan ng Sasa.

Sa kasalukuyan ay may siyam na pribadong pantalan sa Lungsod ng Davao at sa mga karatig lugar nito, gaya ng Lungsod ng Panabo.

Upang makasabay daw ang Sasa Wharf sa iba pang mga pantalan at mas lalo pang palakasin ang trade competitiveness ng lungsod, inialok na ng Department of Transportation and Communications, katuwang ang Philippine Ports Authority, sa mga pribadong developer ang rehabilitasyon at kontrol ng naturang pantalan.

Kabilang sa mga pagbabagong gagawin, ayon na rin sa mga nabanggit na ahensya, ang pagkukumpuni at pagpapalaki sa kapasidad ng mga daungan o quay, pag-iinstall ng mga moving crane para sa mga container van, pagpapalawak ng espasyong paglalagyan ng mga container vans at mga trak, pagpapalapad ng mga daan papunta sa pantalan, at iba pang malalaking infrastructure developments.

Bukod pa dito, ang mananalong bidder ang siyang mangangasiwa at maniningil ng docking at wharfage fees sa mga gagamit ng pantalan sa loob ng hindi bababa sa tatlumpung taon. TATLUMPUNG TAON!

Ayon sa DOTC at PPA, tinatayang aabot ng humigit-kumulang labingpitong bilyong piso (P17B) ang magagastos para sa proyektong ito, mula sa original na project study na apat na bilyon (P4B) lamang– biglang lampas pa sa 4 na ulit (4x).

Seventeen Billion, Mister Speaker. Seventeen Billion para i-redevelop ang isang pantalan na 180,000 square meters lang naman ang laki.

Redevelopment, at hindi magtatayo from the ground up. Gawa ba sa ginto o diyamante ang materyales na gagamitin sa rehabilitasyon ng puerto?

Ang Hijo Port sa Tagum, na mas malaki at triple ang kapasidad kumpara sa Sasa Wharf, ay tinatayang magkakahalaga lang ng lima’t kalahating bilyong piso (P5.5B).

Ang Davao International Container Terminal sa Panabo City, na may taunang kapasidad na 800,000 TEU (Twenty-foot Equivalent Unit o kapasidad ng isang container terminal) kumpara sa 550,000 TEU ng Sasa Wharf, ay nagkakahalaga lang ng dalawa’t kalahating bilyong piso (P2.5B).

Saan kinuha ng DOTC, ng NEDA at ng PPA ang kanilang estimate na labimpitong bilyong piso para sa rehabilitasyon ng Sasa Wharf?

Halos wala na rin naman silang dapat na idagdag na istruktura sa pantalan.

Natural na malalim ang tubig sa Pakiputan Strait, na kabahagi ng Davao Gulf. Sa katunayan nga ay kaya ditong dumaan ng tatlong Panamax-size na barko ng sabay-sabay ng hindi sasayad ang kilya ng mga ito sa ilalim ng dagat, kaya hindi na kailangang magsagawa pa ng dredging.

Hindi na rin kailangan ng breakwater upang harangan ang paghampas ng malalaking alon, natural na kalmado ang tubig sa Pakiputan Strait dahil hinaharang na ng isla ng Samal ang malalaking alon patungo sa baybayin. Ang mismong mga daungan na lang at ang iba pang mga pasilidad ang dapat nilang ayusin at pagandahin.

Presyo na ng isang bago at modernong paliparan ang labing-pitong bilyon, Ginoong Speaker.

Ano nga ba ang lalamanin sa costing ng proyektong ito,  na mula sa panimulang pag-aaral ng PPA ay magkakahalaga lamang ng humigit kumulang P4-B, pero lumobo na ito sa P17-B sa pag-aaral na ginawa ng isang foreign consultancy  group, ang International Finance Corporation (IFC) na nasa ilalim ng World Bank?

Paghambingin po natin:

Parameters PPA Study DOTC PPP Study
Consultancy Fee P10 Million P30 Million
Success Fee for Consultants None P30 Million
Cargo Traffic Forecast (2021) 743,222 758,320
Cargo Traffic Forecast (2040) 1,168,470 1,300,112
Annual Growth (29 Years) 2.5% 2.88%
TEU Load Forecast (2020) 410-593 TEU load per vesselrequiring depth of 13 meters 5,000-7,000 TEU load per vesselrequiring depth of 15 meters (not yet seen even in Manila Ports)
Development expansion to the sea 12 meters 62 meters
Cost of civil works P1.5 billion P10.6 billion
Deployment of equipment P2 billion P5.3 billion
Total cost of project P4 billion P15.9 billion
Action on existing concessionaires at the port No termination, allow them to expire Pre-termination with compensation
Proposed contract period for the new BOT operator 25 years 30 years
Rates on port concessionaires No commitment to increase rates Proposed 80% upward increase
Government subsidy on operator None With government subsidy
Ground slots Existing 1,500 expanding to 2,100 Existing 1,500 expanding to 2,100
Cost per additional TEU facility P1,900.00 P13,000.00
PPP Scheme Under PPA Charter (PD 857) Under BOT Law

Ang ikinababahala at ikinakatakot ko lang po ay kung pinal na ang ganito kamahal na price tag ng Sasa Wharf, napakalaki ng posibilidad na kapag lumaon ay tuluyang malulugi ang operasyon ng pantalan.

Simpleng Economics lang, Ginoong Speaker. Kung malaki ang kapital na ipinuhunan upang mapalaki at mapaayos ang pantalan, kagyat na mataas din ang sisingilin ng private operator na docking fee at wharfage fee sa mga magkakarga at magbaba ng produkto sa mga barkong dadaong dito.

Siyempre kailangan nilang mabawi ang kanilang puhunan sa lalong madaling panahon.

Samantala, para hindi sila malugi, ipapasa ng mga importer at exporter ang patong na singil sa presyo ng kanilang mga inaangkat na produkto.

Magmamahal ang kanilang mga produkto kumpara sa ibang matatagpuan sa merkado. Dahil mas pipiliin ng mga mamimili ang mas murang produkto, di maglalaon at sila ay malulugi.

Ito ngayon ang sitwasyon: Hindi lang isa ang pantalan sa Davao Gulf. Upang makamura, pipiliin ng mga importer at exporter na ilabas na lang ng Davao City ang kanilang produkto at idaan ito sa pantalan ng Hijo, sa DICT, sa Piso Point, o kung saan pang puerto na di hamak na mas mababa ang sinisingil na wharfage fees kaysa sa pantalan ng Sasa.

Dahil dito, napakalaki ng posibilidad na unti-unti nang kokonti ang mga mag-aangkat sa Sasa Wharf, hanggang sa tuluyan na itong malugi.

Pero tandaan po natin, PPP project po ito.  Kapag nalugi ang pantalan at magdefault ito sa utang, siyempre sasaluhin ito ng gobyerno! Sayang din naman ang pasilidad kung hahayaan na lang na mabulok, hindi ba?

Ang inakala nating makukuha natin ng libre, babayaran din pala natin sa bandang huli.  Nakwartahan na naman tayo ng wala sa oras.

Ginoong Speaker, wala mabuting patutunguhan ang proyektong ito kung iaasa lang natin sa Public-Private Partnership.

Tandaan natin na ang pangunahing layunin ng bawat kumpanya, sa pagpasok nito sa anuman proyekto, ay ang kumita. Matindi ang pangangailangan natin na maisaayos ang Sasa Wharf ayon sa mga pandaigidigang pamantayan upang ito’y lubos nating mapakinabangan.

Ngunit kahit saang anggulo natin tignan, hindi profitable para sa mga kumpanya na isaayos at pangasiwaan ang Sasa Wharf, lalo na’t marami na itong mga kakumpitensyang pribadong pantalan.

Uulitin po natin:  sa kasong ito ng Sasa Wharf, ang DOTC mismo ang nagwalang bahala sa sariling unang pag-aaral ng ahensya nito, ang PPA,  at pinaboran nito ang ang mas mahal na pag-aaral ng International Finance Corporation na nasa sa ilalim ng World Bank.

Dahil sa napakalaki at napakamahal ang tinatayang gagastusin o kinakailangang investment sa proyektong ito,  sa tinging ko ay walang mangangahas na local na kompanyang lalahok sa proyektong ito.  Subalit, kung meron man, tiyak na sasapawan at tatalunin pa rin ito ng mga dayuhang mga kompanya o contractors, na siyang siguradong may kakayahan in terms of investments.

Sa kalaunan, dahil sa  lumobong presyo nito, ito ay maging mahal na pasanin din ng mga taxpayers na katulad natin.

Ito ay mahal na pasanin din ng mga gumagamit sa Sasa Port, sa sektor ng mga negosyante, at lalung-lalo na sa mga consumers at kababayan kong mga Dabawenyo, dahil ipapasa lang naman sa kanila ang ano mang mahal na gastusin dito.

Pero, mas pa sa lahat,  Ginoong Speaker,  ang  proyektong ito ay higit na mabigat na pasanin ng mga humigit-kumulang 300-500 na mahihirap na pamilyang direktang tatamaan ng proyektong ito na nakatira sa Parola Area.

Tiyak na daranasin din ng mga pamilyang ito ang dinaranas ngayong ng mga pamilyang marahas na pinaalis, pinalayas sa kanilang mga tirahan; mga pamilyang walang tiyak na  pagkukunan ng kanilang hanap buhay dahil sa implemntation ng  mga PPP projects ng Aquino administration.

Malinaw, Ginoong Speaker, na para sa mga pamilyang ito na  ang PPP ay walang iba kundi: Pabigat,  Pambubusabos at Pasanin, courtesy of the Aquino administration!

Sa iskemang PPP, Ginoong Speaker,  ang mga mamamayan ay talung-talo.

Totoo, tama lang na i-rehabilitate ang Sasa Wharf, ngunit dapat ang gugugulin ay yaong nararapat lamang at hindi overpriced.

Sa ganitong paraan, mapapanatili na mababa ang presyo ng mga serbisyo ng Sasa Wharf, magiging mas madali na sa mga maliit na importer at exporter ang mag-angkat at magluwas ng mga kalakal. Mas magiging competitive ang ekonomiya, bababa ang presyo ng mga produkto, maalis ang monopolyo ng mga malalaking kumpanya sa kalakalan ng mga produkto sa rehiyon, lalakas ang mga maliliit na producer, at sisigla ang mga pamilihan. Magkakaalaman na lang kung kanino ang mas malaki at masarap na saging.

Marami pang mga katanungan tungkol sa proyektong ito sa Sasa Port, tulad ng nabanggit ko na kaninang kahinatnan ng mga naninirahan malapit sa pasilidad, pati na maaaring maging epekto nito sa ecological balance ng katubigan ng Pakiputan Strait.

Kaya nga, Ginoong Speaker, dapat nating sinisiyasat ng mabuti ang lahat ng proyektong pangkaularan ng ating Gobyerno, lalung-lalo na yung mga proyektong may kinalaman sa pagpapaunlad ng ating naghihingalo nang ekonomiya.

Kaya naman mariin kong iminumungkahi ko sa Kapulungang ito na sa madaling panahon ay maglunsad ng isang pormal na pagsisiyasat, partikular sa overpriced na Sasa International Port project na ito, kasama na rin ang iba pang mga nakaambang proyektong PPP ng Pamahalaang Aquino, sa paraan ng pagsasakatuparan nito, sa halagang magugugol, sa kapakanan ng mga tatamaan ng naturang proyekto, at sa halagang sisingilin nito sa panahong maging operational na ang mga nasabing proyekto.

Mandato natin, bilang mga kinatawan ng taumbayan, na tiyakin na hindi talo ang mga mamayang Pilipino sa mga proyektong ito.

Maraming Salamat po, Ginoong Speaker.

Did you find apk for android? You can find new Free Android Games and apps.

LEAVE A REPLY

19 + 1 =