WebClick Tracer

PRIVILEGE SPEECH: Walang Katarungan, Walang Pananagutan

(Privilege Speech of Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate delivered on Nov. 21 at the House of Representatives in Quezon City, on the 7th anniversary of the Nov. 23, 2009 Ampatuan Massacre, and the International Day to End Impunity)

Ginoong Speaker:

Ngayong Miyerkules, ika-dalawampu’t tatlo (23) ng Nobyembre, ay muling gugunitain sa buong mundo ang International Day to End Impunity, o ang Pandaigdigang Araw para Wakasan ang Kawalang-Pananagutan.

Ito ay pagkilala na, bagama’t marami ng mga lokal at international na mga batas na umiiral laban sa krimen, ay laganap pa rin ang kawalan ng pananagutan para sa mga krimen at paglabag sa karapatang pantao sa daigdigan.

Sa katunayan, tinalaga ang ika-dalawampu’t tatlo ng Nobyembre bilang Pandaigdigang Araw para Wakasan ang Kawalang-Pananagutan upang bigyang diin ang naganap na malagim na masaker sa Maguindanao sa araw na ito noong 2009, pitong taon na ang nakalipas, kung saan limampu’t walong (58) katao, kabilang ang tatlumpu’t dalawang (32) myembro ng midya ang pinaslang ng mga myembro ng dinastiyang Ampatuan.

Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate. MindaNews file photo by Keith Bacongoc
Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate. MindaNews file photo by Keith Bacongco

Ito ang naging pinakamalaking isahang patayan sa mga myembro ng midya sa kasaysayan. Ngunit, sa kabila ng mariing pagkundena ng mga mamamayan sa buong mundo sa insidente, hanggang kasalukuyan ay wala pa ring hustisyang natamo ang mga kaanak ng mga biktima.

Sa halip, mula sa isangdaan at siyamnapu’t pito (197) na unang kinasuhan sa karumal-dumal na krimen na ito, nasa isang daan pa lamang ang nakakulong sa kasalukuyan, at nananatiling usad-pagong ang kaso sa mga Ampatuan at mga kasapakat nila.

Ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa ating bayan ay nagpapatunay na ang IMPUNITY, ang kawalang-pananagutan, ay isang buhay na katotohanan sa ating bayan.

Halimbawa, sa bawat pagpapalit ng administrasyon ay padagdag lamang ng padagdag ang listahan ng mga aktibista, mga magsasaka, mga manggagawa, at mga katutubo na nagiging biktima ng mga madudugong operasyon ng mga militar, pulis at iba pang ahente ng pamahalaan.

At ni isa sa mga na sangkot sa mga masaker, panggagahasa, pananakit, panununog, at iba pang paglabag sa karapatang pantao ay hindi naparusahan sa kanilang mga krimen sa mamamayan.

Dagdag pa rito ang papaparaming bilang ng ating mga kababayan na basta na lamang pinapaslang sa ngalan ng gyera laban sa droga.

Ginoong Speaker, sa isang banda, ang mga pananalakay sa mga kapatid nating mga Lumad ay nagpapatuloy, sa ngalan ng kinamumuhiang Oplan Bayanihan ng dating Presidente Aquino.

Patuloy pa rin ang pagpa-pasara sa mga paaralan ng mga lumad, pagpapalayas sa mga lumad sa kanilang mga komunidad, at pagpaparatang sa mga guro at mag-aaral bilang mga rebelde.

Nitong nakaraang linggo lamang ay dumulog sa Kongreso ang isang guro at lider-lumad mula sa Center for Lumad Advocacy and Services (CLANS) — isang institusyong nagpapatakbo ng mga paaralang lumad sa Sultan Kudarat, dahil sa panghaharas sa kanilang kapwa guro at sa mga estudyante. Nakakabahala ito, lalo na dahil hanggang ngayon, wala pa ring hustisyang nakakamit para sa mga katulad nila Emerito Samarca, Dionel Campos, at Bello Sinzo na pinatay ng paramilitary na grupong Magahat sa harap ng kanilang mga katribu noong lamang isang taon.

Samantala, Ginoong Speaker, noong Nobyembre 15, 2016 ang ika-anim na taong anibersaryo ng pagpaslang kay Leonard Co, isang kilala at respetadong dalubhalaman o botaniko. Si Leonard Co, kasama ang dalawa pa, ay namatay matapos pagbabarilin ng mga myembro ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army habang nananaliksik sa Kananga, Southern Leyte. Hanggang sa kasalukuyan ay walang katarungang nakamit sa pagpaslang sa kanila.

Ngunit hindi matatapos ang mahabang listahan ng patunay sa kasahulan ng state of impunity  sa ating bayan nang hindi mabibigkas ang malagim na pangyayari sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004, labindalawang taon na ang nakalilipas. Ginoong Speaker, ang utang na dugo ng pamilyang Aquino sa mga magsasaka, mula pa sa bilang ng pinaslang noong Masaker sa Mendiola ay dinagdagan sa ng makailang ulit sa masaker sa kanila mismong bakuran. Nasa pitong magsasaka ang pinatay habang daan-daan ang nasugatan  ng pinagbabaril ng pulis at militar ang mga nakapiket na mga magsasaka. Hanggang sa kasaluyan wala ni isang paglilitis kaugnay nito ang naisagawa.

Walang katarungan, walang pananagutan. Tila walang ipin ang ating batas at inutil ang ating sistemang panghustisya sa ganitong kalagayan ng ating lipunan.

Subalit, bakit ba tayo umabot sa nakahihiyang kalagayang ito?

Ang impunity, o ang kawalang-pananagutan, Ginoong Speaker, ay may malalim na pilat sa ating kasaysayan.

Mainit ang debate sa kalsada, sa mga paaralan, sa mga tahanan, at sa social media nitong mga nakaraang araw dahil sa biglaang paglilibing ng Diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Parang magnanakaw sa tanghaling tapat na sumalisi ang pamilyang Marcos upang mailibing ang  dating diktador.

Sa mga naganap nitong mga nakaraang araw, malinaw ang isang bagay: para sa iba nating mga  kababayan, malabo ang mga aral ng kasaysayan.

Sa halip, ang naging malinaw ay naging mabisa ang istorikal na rebisyunismo—ang pagbubura sa kasaysayan at pagpapalit nito ng mga kasinungalingan para paburan ang nasa kapangyarihan—at ito ay laganap at tumatak sa isip ng marami nating kababayan.

Bakit nga ba naging ganito? Matapos ang papalit-palit na administrasyon, kahit pa ang dalawang pangulo na nagmula sa angkan ng mga Aquino na sinumpang katunggali ng pamilyang Marcos, ay walang tunay na katarungang nakamit ang mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao,  lalo na ang mga biktima ng Batas Militar.

Walang katarungan: Dahil nakikita natin ngayon na ang yamang ninakaw sa panahon ng diktador na  si Marcos ay hindi pa nabawi at naibalik sa kaban ng bayan, at,  sila ay nananatiling kapit-tuko sa poder. Ang yaman at kapangyarihang ito ay ginagamit nila upang pagtakpan, balutin ng kasinungalingan, at pihitin ang mga libro ng kasaysayan sa kalagiman ng diktaturya.

Walang katarungan: Dahil, sa kabila ng pagkamatay ng higit isang libong katao, pagkawala ng nasa walong daan, tortyur sa libo-libo pa, at walang habas na pagnanakaw sa yaman ng bansa, ay hinayaan pang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng diktador.

Walang katarungan: Dahil unti-unting nanunumbalik ang mga walang kahihiyan, walang pagsisising mga Marcos sa tarangkahan ng Malakanyang.

Ganito, Ginoong Speaker, ang lalim at lawak ng impunity sa ating bayan. At ito ang dapat na nating wakasan. 

Wakasan ang isang sistemang nagluwal ng diktador na katulad ni Marcos, nagluwal ng pasista at korap ng mga kasunod pang mga administrasyon —    sistemang nagbunsod ng estado ng walang pananagutan o state of impunity sa ating bansa. 

Wakasan natin ang sistemang nagpapahintulot sa mga sumunod na mga rehimen at administrasyon pagkatapos ni Marcos na ipagpatuloy ang mga parehong kalakaran na tuloy-tuloy na nagpapahirap sa ating mga mamamayan.

Sa ika-23 ng Nobyembre, ang mga pamilya at kaibigan ng mga biktima ng Ampatuan masaker ay muling igigiit at isisigaw ang paghingi ng katarungan para sa mga pinaslang.

Sa ika-25 ng Nobyembre naman ay bubuhos muli ang mamamayan upang iprotesta ang panakaw na paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Totoong isang napakalaking hamon ito para sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte na pangatawanan ang pangakong Change is Coming  — dahil ang pagbabagong ito ay dapat mangahulugang makakamit ang hustisya para sa mga biktima.

Ang inaasam na pagbabago ng ating mamamayan ay ang pagkawala ng pagsasamantala at panunupil, hindi lamang sa mga kagawad ng midya, kundi ng buong mamamayan.

Ang change  o pagbabago na  ipinaglalaban ng sambayanan ay ang hindi paglimot sa mga aral ng kasaysayan, at pagbayarin ang naunang mga rehimen at administrasyon sa kanilang pasismo at tiranya.

Ngunit, kailanman sa kasaysayan ay tanging ang lakas ng mamamayan ang nananaig laban sa tiranya at panunupil. Aral din ng ating kasaysayan na nasa kamay ng taumbayan ang kapangyarihang makamit ang panlipunang hustisya.

Ang administrasyong Duterte ay nasa krus na daan, at hinahamon itong kumiling at pumanig sa tamang landas ng kasaysayan.

Muli, ang aming mga panawagan:

Hustisya para sa mga biktima ng Ampatuan Masaker! Hustisya para sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao! End Impunity, Now!

Maraming salamat, Ginoong Speaker.

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback