WebClick Tracer

HABAGATNONG HINAGAWHAW: Sapatos

Noon
(panahon yun ni Marcos
at wala pa akong bente anyos)
pinadalhan ako ng nanay ko
ng isang pares na rubber shoes.

Sa maliit na pirasong papel
na tinupi-tupi upang madaling lunukin
(wala pa sa hinagap noon ang email,
at lalung-lalo na ang cellphone)
sumulat ako ng pasalamat kay nanay

at ipinangako ko sa kanya
na ang sapatos na kanyang ipinadala
ay pupudpurin ko sa pakikibaka.

Mula noon
nagdaan ang mga taon
at ang di mabilang na pares
ng sapatos, pati tsinelas at botas
na napudpud sa walang humpay na pag-aaklas.

Si nanay ay pumanaw na, matagal na,
at ang bunso ko’y bente anyos mahigit na:
siya ngayon ang paminsan-minsan nagpapadala
sa akin ng sapatos para pudpurin pa
habang siya’y kumakayod sa ibang bansa.

Hanggang ngayon
patuloy pa ring binabagtas
itong pinili kong landas
kahit dulo’y di ko pa rin mamalas
at paglakad ay bumabagal na ang kumpas.

Ang simulaing ipinaglaban noon pa man
hanggang sa huli ay aking paninindigan
dahil ayokong mawalan ng kabuluhan
ang mga pinudpud kong sapatos na di na mabilang…

Eric S.B. Libre
2 Abril 2017

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback