MARTIAL LAW SA MINDANAO: Hindi ito ang pangakong pagbabagong hinahanap ng mamamayan

(Explanation of “No” Vote para sa Extension of Martial Law in Mindanao by Anakpawis Rep. Ariel “Ka Ayik” B. Casilao, Hunyo 22, 2017. Tatlo lang sa 64 na Kongresista na taga Mindanao ang bumoto ng ‘No’)

Bilang kinatawan ng Anakpawis Party-list, na binubuo ng mga maralitang sektor, mariin naming inirerehistro ang aming boto na “NO” para sa Extension ng Martial Law sa Mindanao, bunsod ng mga sumusunod na batayan:

  1. Ito ay kontra-mahirap o anti-poor. Ang laging apektado nito ay ang mga mahihirap na sektor, ang mga magsasaka, katutubo, mga manggagawa, mga urban poor at iba pang sektor sa kanayunan.  Kita agad ito sa daan-daang libong evacuees, sa libu-libong apektado ng aerial bombings at all-out war operations ng AFP.  Ang makikinabang naman dito ay ang mga mayayamang haciendero, mga may-ari ng plantasyon, mga kumpanya ng mining at logging at iba pang gustong labagin ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka at karapatan sa sariling pagpapasya ng mga katutubong mamamayang lumad at Moro.
  2. Ito ay panganib sa mamamayan. Sa 60-araw na implementasyon nito, naganap ang aerial bombings, ang extra-judicial killings, ang mga iligal na inaresto, ang mga hinaras, na pawang mula sa sektor ng mga magsasaka at mga katutubo.  Ang martial law ay sagasa sa malaya at demokratikong pamumuhay ng mamamayan sa Mindanao.
  3. Isang panganib din ito sa mga aktibistang nakikibaka para sa mga pundamental na reporma sa lipunan. Nilabag at lalabagin nito ang mga ligal at demokratikong karapatan ng mamamayan at halimbawa na rito ang pag-aresto sa mga aktibista sa Davao City dahil lang sa batayang “suspicious looking.”  Binibigyang kapangyarihan nito ang AFP na ipagbawal ang mga demokratikong pagkilos o rali, hinarang na nila ang mga relief mission sa mga apektado, maging ang mga lumad schools o right to education ay inatake pa ng militar.  Sasagasaan din ng militar ang civilian rule ng mga LGU dahil ang kanilang desisyon ay mangingibabaw sa mga desisyong civilian, dahil nga sa batayang martial law.  Pabor ito sa mga mayayayamang mapang-api dahil susupilin nito ang pakikibaka ng masa para sa karapatan sa Lupa, Sahod, Trabaho, Tirahan at Demokratikong Karapatan.
  4. Ito ay pasistang hakbang at itinutulak lamang lalo ang mamamayan upang lumaban. Aral na ng kasaysayan na ang martial law ni Marcos ay nilabanan ng malawak na mamamayan. Ang pagbibigay-kapangyarihan sa militar ay lisensya sa malawakang abuso sa mamamayan, at natural lamang na babaha ang pagkontra rito at ang paglaban.  Sa kalaunan, ang martial law ay hindi makakamit ang sinasabi niyang layunin, bagkus, hakbang lamang para sa pasistang paghahari at isolation ng pangulo mula sa mamamayan.
  5. Hindi ito ang pangakong pagbabagong hinahanap ng mamamayan. Recycled na ang martial law, ang all-out war at iba pang marahas na programa kontra sa mamamayan. Ang inaasahan ng mamamayan sa pangulo ay dinggin ang kanilang kahilingan, para sa Tunay na Reporma sa Lupa, Kabuhayan at Kalayaan.  Ang martial law ay pagbigo ng pangulo sa hinihingi ng masa na pundamental na pagbabago sa lipunan.  Aming paninindigan, ang tunay na solusyon sa anumang armadong sigalot ay ang pagresolba sa mga ugat nito, sa isyu ng karapatan sa sariling pagpapasya ng mamamayang Moro at katutubong lumad, karapatan sa lupa ng masang magsasaka, ng mga manggagawa sa nakabubuhay na sahod at access sa mga social services iba pang demokratikong karapatan.

Kaya sa ilang mga batayang ito Mr. Speaker, IPINAPAABOT NAMIN ANG BOTONG “NO” PARA SA EXTENSION NG MARTIAL LAW SA MINDANAO.

Ang sigaw ng masang Anakpawis, #NOTOMARTIALLAW!

Comments

comments