PEACETALK: YES kami sa Kapayapaan, at YES kami sa Bangsamoro Organic Law

Want create site? With Free visual composer you can do it easy.

(Speech of Hadja Bainon G. Karon, chair of the MNLF Bangsamoro women at the Peace Assembly for the ratification of Republic Act 11054 or the Bangsamoro Organic Law at the Shariff Kabunsuan Cultural Complex at the compound of the Autonomous Region in Muslim Mindanao on 18 January 2019)

COTABATO CITY (MindaNews / 19 January) — Bismillah I-rahman, I-raheem
Assalamu Alaikum warahmatullahi wabarakatuhu At ang aking pagbati ng kapayapaan sa hapon na ito

Sa lahat po ng naririto, sa pangunguna ng ating mga Leaders, mga mambabatas at sa lahat ng nagkakaisang Bangsamoro…

Ang araw pong ito ay napakahalaga para sa ating lahat, hindi lamang dahil sa narito ang ating butihing Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Rodrigo Roa Duterte kundi ito ay pagsasama-sama ng iba’t ibang mga sektor, tribo, relihiyon at partido na naniniwala para sa kapayapaan. Ang pagsasama- saman nating ito ay pagsasama-sama para tunay na kapayapaan at kaunlaran na matagal na nating inaasam.

Bilang isang babae, bilang isang nanay, bilang isang lider ng kababaihang Moro at bilang isang nakasaksi sa ilang dekada nang kaguluhan dito sa Mindanaw, ang araw na ito ay napakahalaga sa amin upang patuloy na maniwala na magtatagumpay tayo sa kapayapaan. Ang araw na ito ay magmamarka sa kasaysayan bilang unang hakbang natin patungo sa minimithi nating pagpanalo sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law sa Enero 21, in shaa Allah.

Naalala ko nuong una akong nagsimula bilang babaeng lider sa ilalim ng Moro National Liberation Front. Naranasan ko ang tumakbo ng ilang libong beses upang umiwas sa kabi-kabilang putukan, naranasan kong magtago sa mga foxhole para isalba ang sarili, naranasan kong hindi kumain ng ilang araw at magpalipat-lipat sa iba’t ibang mga lugar para mailigtas ang sarili at ang aking pamilya. Ito at marami pang mga pangyayari ay ilan lamang sa madilim na panahong nais nating isara at kalimutan at iwaksi sa ilalim ng bagong pamahalaang Bangsamoro na ating pagtitibayin.

Bilang kinatawan ng mga Kababaihan mula sa Moro National Liberation Front, nais kong ipagmalaki na hindi lamang kami mga babae, hindi lamang kami mga nanay, at hindi lamang kami nakaupo at naghihintay sa mangyayari para sa kinabukasan. Kami ang malaking bilang na boboto at magpapanalo sa Bangsamoro Organic Law. Hindi lamang isang daang beses naming pinag- isipan ang aming desisyon, kundi libo-libong beses sa gabay ng Allah Subhana WataAllah. Isang desisyon na dadalhin namin ang aming nagkakaisang lakas para sa buong suporta at pagboto ng YES para sa kapayapaan at YES para sa Bangsamoro Organic Law. Tatayo kami bilang mga babae, nanay at kapatid para sa kapayapaan at ang aming boto ng YES ay ang magandang ipapamana namin sa susunod na henerasyon. At minsan man, ipapaalala sa atin ni Muhamhad Ali Jinnah ng Pakistan na walang pamahalaang maitatayo at walang pakikibaka na magtatagumpay kung wala ang mga kababaihan sa tabi nila.

Minsan pa, mataas ang aming paniniwala, dahil na rin sa suporta ng ating mahal na Pangulo ng Pilipinas, sa mga mambabatas na nagtulong-tulong upang maipasa ang Republic Act 11054, sa mga kasapi ng Bangsamoro Transition commission at sa lahat ng mga grupo na tumulong dito, na tayo ay papalapit na sa tunay na kapayapaang minimithi natin. With faith, discipline and selfless devotion to our cause for our people, whether you are a Muslim, Christian Settlers and Indigenous Lumad, there is nothing worthwhile that we cannot achieve. Mananalo tayo sa ating laban para sa kapayapaan at magtatagumpay tayo para sa ating mahal na Bangsamoro.

Muli, sa pangalan ng Federation of United Mindanawan Bangsamoro Women, Women Organization Movement for Bangsamoro at ng iba pang mga Kilusan ng Kababaihang aming kasama, isang tinig at isang lakas kaming susulong sa tagumpay ng Bangsamoro sa Enero 21. YES kami sa Kapayapaan, at YES kami sa Bangsamoro Organic Law.

Inaanyayahan ko po ang lahat na tumayo at alalahanin natin ang mga hirap na dinanas natin at ng ating mga Mujahideen…Takbir! Takbir! Takbir!

Mabuhay ang mga Kababaihan. Mabuhay ang Bangsamoro! Shukran at Assallamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuhu

 

Did you find apk for android? You can find new Free Android Games and apps.

Comments

comments