PRIVILEGE SPEECH: Free Press; Free People

Want create site? With Free visual composer you can do it easy.

(Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate, Deputy Minority Leader, delivered this privilege speech at the House of Representatives on 17 February 2020).  

Ginoong Speaker:

Sa pagitan ng ika-1:00 at ika-2:00 ng madaling araw noong Pebrero 7, 2020 ay sapilitang pinasok ng mga armadong kapulisan ang opisina ng Katungod Sinirangang Bisayas, ang chapter ng human rights organization na Karaptan sa Region 8. Nasa gusali ring iyon ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (o Bayan) at Sagupa, isang organisasyon ng mga magsasaka sa Tacloban.

Noong mga panahong iyon, payapang natutulog sa opisina sina Alexander Philip Abinguna, Karapatan National Council member ng Easter Visayas; Mira Legion ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Eastern Visayas at si Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng Peoples’ Surge Network at ang kanyang isang-taong-gulang na anak. Lahat sila ay pinaghuhuli

Samantala, kasabay ng reyd na ito ay pinasok rin ng mga kapulisan ang opisina ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) sa Eastern Visayas at ng media group na Eastern Vista sa Calanipawan, Tacloban. Dito ay pinaghuhuli rin ang staff ng RMP na si Mariell Domanquill, at ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio.

Tulad ng bulok na modus na ginawa sa iba pang mga aktibista at iba pang kritiko ng pamahalaan, tinaniman ng mga baril at bomba ang mga opisina at saka inaresto ang mga natagpuan nilang mga tao sa loob. Katulad na katulad din ito sa naging reyd na ginawa din sa ilang mga opisina ng mga progresibong grupo sa mga siyudad ng Bacolod at Escalante sa Negros noong October 31, 2019.

Katunayan, ilang araw bago ang ginawang reyd sa Tacloban ay nakatanggap na ng ulat ng posibleng panghahalughog sa mga opisina, kasunod ng mahigpit na paniniktik sa mga aktibista sa rehiyon. Naka-iskedyul na nga sa muling pag-papa-inspeksyon sa Commission on Human Rights ang mga nasabing opisina upang patunayan na walang bomba o baril na kinukubli sa loob ng mga ito, at ang mga tao sa loob nito ay hindi armado. Ngunit, bago pa man mangyari ang inspeksyon ay tuluyan na ngang nilusob ang mga opisina ng mga kapulisan.

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, bitbit ang dati nang paratang ng pulis at militar na ang mga lehitimo at kinikilalang mga organisasyon at midya ay mga “communist terrorist”, ay binibigyang katwiran nila ang pag-aresto at pagtatanim ng ebidensya sa kanila.

Kasuklam-suklam itong mangbubusabos sa batas, at direktang atake sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Mariin namin itong kinukundena, at hinihimok namin ang mga kapwa nating mambabatas na tutulan ang ganitong mga pakana laban sa ating mamamayan.

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, ang pangyayaring ito ay isa na namang patunay sa sa patuloy na pagkitid na demokratikong espasyo sa ating bansa. Ang pag-aresto kay Frenchie Mae Cumpio, myembro ng media group na Altermidya ay mariing kinundena ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP).

Ang pag-aresto kay Frenchie ay hindi ang unang insidente ng pag-aresto sa isang myembro ng media sa administrasyong Duterte. Kung ating babalikan, kasama sa limampung aktibistang inaresto sa mga magkakasabay na reyd sa Bacolod at Escalante ang journalist na si Anne Krueger noong lamang Oktubre ng nakaraang taon.

Inaatake ang isang napakahalagang institusyon sa ating lipunan, ang mass media. Ang pag-aresto kayna Anne Kruger at Frenchie Cumpio ay isang mapanganib na pangyayari lalo na para sa mga community at alternative media groups. Ang ginawa sa kanilang dalawa ay pawang pananakot ng mga pwersa ng estado sa mga katulad nilang mamamahayag na nag-uulat ng mga pang-aabuso, sa partikular ng mga ahente ng estado, sa mga magsasaka, katutubo, manggagawa, at iba pang aping sektor sa ating lipunan. Nais busalan ng mga pasista ang mga reporter at manunulat na inihahayag ang mga paglabag sa karapatang pantao, korapsyon at iba pang isyung kinasusuklaman ng mga nasa posisyon at kapangyarihan.

Hindi na malayo rito ang ginagawa din sa iba pang mga media outfits. Biktima ng red-tagging ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) gayundin ang maraming mamamayahag at iba pang grupong dumedepensa sa press freedom. Gayundin, tuloy-tuloy ang pang-uupat sa Rappler at sa Philippine Daily Inqurer upang ito ay magsisara. At sa kasalukuyan, tuloy-tuloy rin ang panggigipit at hindi pa rin pagre-renew ng prangkisa ng pinakamalaking news outfit sa bansa, ang ABS-CBN.

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, ang lahat ng mga ginagawang atake ng administrasyon sa pamamahayag ay bahagi ng pagpipilit nitong patahimikin ang malayang pagpapalitan ng mga ideya at kuro-kuro, at ipilit na ang tanging boses na mamamayagpag ay ang sa nakaupo sa Malacanang at ng mga nasa paligid nito.

Halimbawa na rito ang mariing pag-ayaw ni Presidente Duterte sa pagpanibago ng franchise ang ABS-CBN. “I will see to it that you’re out” ang sinabi ng Pangulo. Sa kabila ng nasa kapangyarihan ng lehislatura ang pagbibigay ng prangkisa sa mga broadcasting networks, tahasang iniiwasang dinggin ang naturang usapin dito sa loob ng Kongreso. Magkakahiwalay ang kapangyarihan ng lehilatura, hudikatura, at ehekutibo para hindi mapasakamay ng isang sangay ang kapangyarihan. Taliwas dito ang realidad.

Mga kapwa mambabatas, labas sa interes ng higanteng broadcasting company na ito na magpatuloy ng kanilang operasyon, nakasangkalan ang trabaho ng libo-libong mga manggagawa, journalists, artista, talents, at iba pang mga Pilipino na ang kabuhayan ay maapektuhan ng pagsasara nito. At mas higit pa rito ang epekto nito sa press freedom o kalayaan sa pamamahayag.

Likas nang lumalabas sa bibig ng administrasyon at mga tauhan nito ang mga katagang ‘biased’ ‘dilawan’ ‘bayaran’ ukol sa mga media outfits. Mga atake sa mga independenienteng media outfits na hindi lamang press release ng gobyerno ang nilalathala.

Maging ang ginawa nitong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ay naging instrumento upang atakihin ang mga krikal na mamamahayag bilang mga kaaway raw ng estado. Ang mga alternative media outfits ay sumailalim sa magkakasunod na cyber-attacks at bullying. Malala pa nga ang mga myembro ng alternative midya ay hinaras, kinulong, at kinasuhan ng gawa-gawang kaso.

Ipinapakita ng pamahalaang Duterte ang kanyang bagsik sa determinadong pag-atake sa ABS-CBN. Kung kaya nito ipasara ang higanteng TV network, ano ang laban ng mga maliliit na media at alternative news outfits?

Ang usapin ng pagsasara ng ABS-CBN ay hindi pagdedepensa sa higanteng kumpanya. Ito ay isyu ng pagtatanggal sa isang media outfit ng buong makinarya at impluwensiya ng estado. Usapin ito ng administrasyong tila may pabrika ng disinmpormasyon at kasinungalingan. Ito rin ay usapin ng kabuhayan ng 11,000 kataong mawawalan ng trabaho.

Buhay ang kalayaan ng pamamahayag dahil ang mga mamamahayag at mamamayang Pilipino ay naninindigan para rito. Hiling namin na maging bahagi tayo, mga kapwa ko mambabatas, sa laban para depensahan ang kalayaan sa pamamahayag.

Demokrasya, hindi tiraniya!

Kalayaan ng Pamamahayag, ipaglaban!

Malayang pamamahayag! Malayang Mamamayan!

 

Did you find apk for android? You can find new Free Android Games and apps.

Comments

comments