PALIWANAG:  Hindi ang paglusaw sa mga demokratikong proseso at institusyon ang kasagutan sa suliraning  ating kinakaharap sa kasalukuyan

Want create site? With Free visual composer you can do it easy.

(Paliwanag ng “No” na boto sa HB 6616 ni Bayan Muna Rep. Zarate noong special session ng House of Representatives noong 23 March 2020. Si Zarate ay isang Mindanawon mula sa General Santos City at Davao City). 

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas:

Tayo ay nahaharap sa isang pambihirang kalagayan habang lumalaganap ang sakit na COVID-19 sa ating bansa at sa mundo – isang sakit na kumitil na sa libu-libong buhay, nagwasak sa kabuhayan ng marami, at tila ba wala pang lunas na nakikita sa malapit na hinaharap.

Kaisa tayo ng mamamayan na nananawagan ng isang kagyat, kumprehensibo, at agresibong paglaban sa CoVid-19.

Kaya naman sa ating kalagayang kinasadlakan sa ngayon,  dapat ay mas lubhang maingat,  mapanuri at mapagbantay tayo sa kalusugan at buhay ng ating mga mamamayan, at,  gayundin sa mga batas at polisiya na tutugon sa kalagayang ito.

Tulad ng magiting na paglilingkod ng ating mga frontline healthworkers—marami sa kanila ay dinapuan na rin ng COVID-19—tayong mga mambabatas ay dapat lamang na tapat at buong-loob na pagsilbihan ang mamamayan, lalo sa harap ng isang pandemiko.

Ang deka-dekadang pagpapabaya ng pamahalaan sa libre at sapat na serbisyong pangkalusugan ay nagbunga sa kronikong krisis sa ating public health system. Wala pa man ang COVID-19 ay hindi na makatao at maka-mahirap ang ating sistemang pangkalusugan, na lagi’t laging kulang sa pondo at suporta ng pamahalaan.

Ang mas malala pa, sa unang pagkakataon na dapat nagdeklara na ng pambansang epidemya dahil sa COVID-19,  hindi ito ginawa agad ng pamahalaan, partikular ng DOH. Naging matamlay ang naging unang tugon nito, naging kampante dahil ayaw daw nitong  masindak o mag-panic ang mamamayan, masira ang  relasyong  diplomatiko sa ibang bansa  at maapektuhan ang ekonomiya, lalo na ang sektor ng turismo.

Dahil sa atrasadong pagtugon na ito, nang sumabog at kumalat na ang COVID-19 sa ating bansa,  hindi handa ang pamahalaang Duterte at naging malaki ang dagok nito sa ating mga mamamayan. Kulang ang gamot at gamit sa mga ospital. Sa bungad pa lamang ng pandemiko ay wala nang gamit ang ating mga frontline health workers, na karamihan ay overworked subalit underpaid. Kulang ang kawal at sandata ng mga lumalaban sa sakit.

Ito ay sa kabila na may mga pondong maaari nang gamitin sa kagyat katulad ng  ng bilyon-bilyong Contingency Fund, Calamity Fund, Quick Response Fund, at iba pa. Ang kawalan ng gamit sa mga ospital ay nangyayari  sa kabila ng  lumolobong badyet sa militar at pulis, na lubhang nagsitaasan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ang pagbili ng bala at baril, pondo para paniktik sa mga mamamayan, Oplan Tokhang, Oplan Bayanihan, NTF-ELCAC, at iba pang militarista at pasistang programa—ito ang mga binigyan ng prayoridad ng pamahalaan imbis na ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan tulad ng kalusugan, edukasyon, suporta sa mga manggagawa at maralita, at iba pang serbisyo publiko.

Ito ang kalagayang dinatnan ng COVID-19.

Kasama ng ating maagang panawagan na serbisyong medikal at hindi militar sa pagsugpo ng COVID-19, dapat lamang na ibaling ang mga pondong pang-gera at anti-insurhensya—ang pondo sa Tokhang, intelligence funds, AFP modernization at iba pang militaristang programa—patungo sa pagtugon sa pandemiko. Itigil ang patayan sa lahat ng panig ng bansa, at ibaling ang pondo ng bayan sa mga programang tutugon sa banta ng COVID-19 sa kalusugan, kabuhayan, at kagalingan ng mamamayan!

Humihingi na agad ng dagdag-pondo at kapangyarihan ang Ehekutibo, kahit wala itong inihaharap na konkreto at komprehensibong plano kung paano nito tutugunan ang malaking epekto ng COVID-19 sa buhay at kabuhayan ng sambayanang Pilipino.  Dapat makita at malaman ng sambayanan kung ano ang plano ng pamahalaan para sa kanila, at kung paano at saan gagastusin ang pondo ng bayan.

Sa malalim na problema ng korapsyon at katiwalian sa ating bansa, dapat na maipakita ng gobyerno kung paano nito pangangalagaan ang interes ng mamamayan laban sa mga mapagsamantala at korap. Ang umiiral na kawalang pananagutan o impunity, ay pinapalubha ng kawalan ng mabigat na parusa sa mga opisyal ng pamahalaan at sa Ehekutibo kung sila mismo ay lalabag sa batas na ito. Hindi ito nakakapagpanatag sa mamamayan.

Para sa Bayan Muna, ang hinaharap nating pandemiko ay hindi nangangailangan ng mas mabagsik pang kapangyarihan ng Pangulo.  Ang mahigpit na pangangailangan rito ay ang tunay at lubus-lubusang paglilingkod ng mga opisyal ng pamahalaan at ang pagtuon ng pondo ng bayan sa pagsugpo sa lumalaganap na sakit. Ito ay dapat tugunan ng:

(1) Makataong paghatid ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan ng mamamayan lalo na ng mahihirap;

(2) Dagdag-badyet at suporta para sa medikal na pagtugon sa COVID-19 na mula mismo sa kasalukuyang pondo ng gobyerno at hindi lamang sa utang;

(3) Dagdag na testing kits at mass testing sa mga may sintomas, frontline health workers, at sa komunidad ng may mga Covid-19 patients. Gayundin ang mas malaking suporta sa health workers sa transportasyon, proteksyon, at supplies;

(3) Mass-hiring ng mga health workers sa mga pampublikong ospital;

(4) Sosyo-ekonomikong aksyon para sa mga nawalan o nabawasan ang kita, pagbabawal ng pagtatanggal sa trabaho, ayuda sa mga maliliit na negosyo, cash assistance sa mga kontraktwal at informal workers at iba pa. Kasama rito ang moratoryo sa mga bayarin sa utilities, upa, at mga mandatory contributions at buwis. Dagdag na social pension para sa mga maralitang nakatatanda at pagbigay na ng dagdag ₱1,000 dagdag pensyon sa SSS.

Ito ang pangunahin at partikular na panawagan na dapat ibigay ng ating pamahalaan.

May kinakaharap tayong sakit na nagbabanta sa buhay ng ating mga mamamayan.  Ito ay kailangang harapin ng mabilis at maagap ng pamahalaan gamit ang buong pwersa ng gobyerno, mamamayan, at ng pondo ng bayan.

Sa naganap na mabilisang pagtalakay sa HB 6616, kinikilala ng Bayan Muna, na kahit sa kabila na ng quarantine at lockdown, ay naging aktibo pa rin ang ating mamamayan  sa  pagpuna at sa pagtuligsa sa mga labag sa Konstitusyon at kontra-mamamayan na mga probisyon ng nasabing panukalang batas.  Naging aktibo pa rin sila, sa gitna ng krisis at ligalig,  na ipaglaban at  igiit  ang  kanilang  mga kagyat na kahingian at panawagan,  na dapat at kayang matugunan ng pamahalaan kahit sa ilalim ng mga umiiral na batas at patakaran.

Bagamat may mga nabago sa orihinal na  bersyon ng HB6616—kagaya ng paglinaw ng usaping Konstitusyunal at pag-pasok ng mga probisyong  pabor para sa mamamayan—malinaw na napakalawak na ng kapangyarihan ng Pangulo sa pagkontrol sa pondo ng bayan, na ngayon as nagmistula ng isang napakalaking presidential pork barrel.  Ang masyadong malawak at hindi malinaw na kapangyarihan ay lagi’t laging bulnerable sa pagsasamantala, kahit sa panahon man ng krisis at pandemiko. Malinaw sa naging talakayan na may sapat na pondo at kakayahan ang pamahalaan na tugunan sa kagyat ang problemang dulot ng COVID-19.  Subalit hindi ang poder ang kulang para maipatupad ito, kundi kulang ang kahandaan, at ang kakulangan ng malinaw  at komprehensibong plano at programa ng pamahalaan.

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, hindi ang dagdag kapangyarihan,  hindi ang paglusaw sa mga demokratikong proseso at institusyon ang kasagutan sa suliraning  ating kinakaharap sa kasalukuyan.

Sa halip ay dapat nating pagtibayin ang sama-sama, kolektibo, at demokratikong mga proseso at pamamaraan upang tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan hanggang sa mga pinaka-marginalized at bulnerableng mga sektor.

Kaya naman,  NO ang boto ng Bayan Muna at ng kinatawang ito sa House Bill 6616. #

Did you find apk for android? You can find new Free Android Games and apps.

Comments

comments