WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa Tubig Tubig Tubig

ILIGAN CITY (MindaNews / 20 May) – Matagal na kaming nag-e-enjoy sa shower, sa ibaba at sa itaas. Nayari sa wakas ang suplay ng tubig mula sa kabukiran. Ganito ang buhay sa Iligan, ang dating siyudad nasa tabi dagat. Ang pinakamalaking bahagi nito ay nasa kabundukan. Maraming tubig doon, ilog, creek, tubod o spring. Kung dumarating ang malalakas na ulan, meron ding baha. Pero iba ang Sendong noon Disyembre 2011. Hindi lang Iligan, kahit ang Cagayan de Oro City. Mahigit na isang libo ang nangamatay. Sumunod si Pablo, nanalasa sa Davao at Surigao. Tapos nandoon naman si Yolanda doon sa Samar-Leyte.

Anong koneksyon sa buhay ko ngayon? Tubig po. Noong Mayo 4 nawala ang tubig sa gripo, sampung araw na wala. Pumutok daw ang main line ng Abaga Station. Nawalan ng tubig ang 20 barangay. Nabuhay kami sa binibili na container, 30 piso per container. Limang container araw-araw ang gamit namin. Sa inom, sa luto, sa banyo, sa pakunti-konting laba. Salamat na lamang naging uso ang negosyo at produksyon ng mineral water.

Anong sama ng loob ko? Hindi naman sama ng loob. Meron pa ang COVID-19, tigil sa loob ng bahay. Natuto kaming magtiis na hindi umiiyak. Enjoy lang kasi saan ka pupunta? Bumalik ang tubig Mayo 16, balik sa ligaya. Pero hindi naman ako makalabas, taumbahay ako, at ang apo na kasama sa bahay, si partner ang merong pases para makalabas.

Para meron akong dagdag na kaligayan bukod sa internet, naghalungkat ako ng files ko, yong iba nasa Dropbox. Importante ang dropbox kasi kahit bumaha, safe ang mga files. Naisip ko tubig pa rin.

Sa palibot natin puro dagat, ang buong kapuluan ng Pinas. Sa loob puro ilog at ilang lawa. Diyan sa Ranaw, na ngayon naging Lanao Lake na, diyan nagmumula ang mahigit na kalahati ng koryente natin sa Mindanao. Pitong turbine ang pinaiikot nito. Nandoon pa rin ang Pulangi I at Pulangi II sa Bukidnon, ito ang naging famous na Rio Grande sa mga libro. Sa totoo ang Pulangi sa wika ng mga Lumad na taga Bukidnon at malaking ilog. Pulangi pa rin ang pangalan sa mga Maguindanawon. Pagdating ng Kastila, naging Rio Grande. Pagpasok ng Amerkano, naging Rio Grande River. Naging magulo ang buhay namin, sa pangalan lang ng ilog. Ang dating Pulangi nagmula sa Impasug-ong, Bukidnon ay naging Rio Grande at naging Rio Grande River. Kung Tatagalugin natin: Pulangi = malaking ilog; ang Rio Grande = malaking ilog na naging Kastila; pagpasok ng Kano, ang Rio Grande River = (nadoble) Malaking Ilog-Malaking Malaking Ilog.

Para maayos ang buhay natin, mainam na bumalik tayo sa orihinal na Pulangi sa mga Binukid at mga Maguindanawon. Para sa ating mga kabataan. Para marandaman nila ang kanilang ugat.

Ang isa pang malaking pinagmulan ng koryente sa Mindanao ang Mt. Apo Geothermal. Isa pa ring gulo sa pangalan. Ang orihinal sa mga Bagobo Sandawa na sacred ground, iginagalang ng tao doon. Ayan, naging Mt. Apo, puntahan ng mga turista. Dagdag pang gulo. Yan pa ang Bulol Amtutung sa mga Blaan, naging Mt. Matutum. Para sa mga Blaan. Sa daigdig nila, tatlong malaking bundok ang sagrado sa kanila, ang Bulol Afo (Sandawa o Mt. Apo), ang Bulol Amtutung (naging Mt. Matutum), at ang Male Bago (ito ngayon ang naging Mr. Parker o Mt. Maughan).

Dagdag gulo. Sa daigdig ng mga Kristiyanong Katoliko. Popular ang kuwento ni Noah at ang malaking baha na tumama sa buong daigdig. Malinaw ito sa bibliya. Akala ko yon lang, kasi nasa bibliya nga at bahagi ng lessons sa katesismo.

Pero nang napunta ako sa daigdig ng mga Lumad sa Mindanao, nag-field work kami, pag-aralan ang buhay ng mga tribu sa Mindanao-Sulu, ako ang team leader, 1974. Nagtungo kami sa mga Dibabawon Davao del Norte. Doon ko unang narinig ang Nowaan, bahagi ng kultura at kasaysayan nila, hindi nakabatay sa bibliya. Hindi pa ako shock, kasi akala ko lang na bahagi ng naririnig natin sa mga relihiyon, Katoliko at mga Protestante.

Noong 1994, naging team leader ako ng research para sa ancestral domain (CADT) ng mga Matigsalug sa Bukidnon. Andoon din ang istorya ng Nowaan. Hindi ito nagmula sa bibliya, dati na nilang kasaysayan, pati ang pagmano sa datu. Napansin, nang dumating sa bahay ni Supreme Chieftain na si Lorenzo “Saligan” Gawilan, nagmano sa kanya ang nagsidating. Curious na talaga ako. Nag-usisa na ako. Hindi ko nabanggit ang karanasan ko sa Dibabawon. Ganon din, bahagi ito ng kanilang kasaysayan at kultura. Walang kinalaman sa mga miyembro sa kanila na naging Protestante.

Noong 1999, naging team leader uli, ngayon sa daigdig ng mga Higaunon sa Impahanong, bahagi ng municipality ng Malitbog, Bukidnon, sa dakong ibabaw ng Tagoloan na kilala sa daanan ng highway pagitan ng Cagayan de Oro at Butuan. Ang mga tagaroon, meron din silang Noe. At meron din silang sacred bundok ng ngayon kilalang Mt. Kimangkil. Diyan nagtungo si Apo Entampil, ang tanging survivor ng malaking baha. Diyan dimaano nagmula ang mga Higaunon. Binukid ang kanilang wika.

Ngayon, binalikan ko ang Wisdom Keepers na libro, nandoon din ang istorya ng malaking baha. Pero doon, bahagi ng kuwento ang mataas ng bundok, ito ang Mt. Kitanglad. Bahagi rin ito sa mga kuwento ng mga Talaandig sa kabilang bahagi ng Mt. Kitanglad.

Suhestiyon ko nga mga kasalukuyang henerasyon. Tulungan nating makapag-aral ang mga Lumad, at sana maging misyon nila na isulat ang kanilang kasaysayan, buhay nila. Sa kanilang wika.

[Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback