ANGAY-ANGAY: Pamalandong sa Istorya ng mga Binukid ng Mt. Kitanglad

ILIGAN CITY (MindaNews /10 May) — Dalawang beses kong binasa ang librong ito. Sa pangatlo, scanning na lang.

Ang dating sa akin: isang magandang karanasan, nadarama sa kaibuturan ng aking pagkatao, nagising ang matagal ko ng naiidlip, pero buhay pa ang aking emphathy sa mga Lumad, pakiwari ko bahagi na ako ng kanilang daigdig.

Hindi bago sa akin ang Bukidnon, nasuyod ko at sinulat ko na ang daigdig ng mga Matigsalug na siyang pinagbatayan ng kanilang CADT (Certificate of Ancestral Domain Title),  nakarating na ako sa Impasug-ong, bahagi ng ginawa naming kasaysayan ng mga Higaunon sa Impahanong, sa Malitbog, at ganon din sa bahagi  ng RCC (Regional Consultative Commission)  consultation-research ng Rogongon ng mga Higaunon. Marami-rami na rin ang aking nabasa tungkol sa kasaysayan ng Bukidnon.

The book cover

Pero bago sa akin ang mga detalye ng nakasaad sa libro. Deeply impressed ako sa  Wisdom Keepers ng Mt. Kitanglad (March 2017); malalim, meron mga mukha ng mga keepers-elders, magagandang photo kahit mga modern ang kanilang mga damit, sa katawan at sa ulo bagamat ang design yon mga suot ay mga karaan na attire–  wala na yong gawa sa kamay na mga shorts at saya na abaka.  Ang mga istorya maayos ang arrangement, madaling gagapin sa mismong Table of Contents, madaling magreview ng alinmang bahagi kung kinakailangan.

Sa bahagi dulo, merong hindi maiwasan na mapukaw ang aking natitira pang sama ng loob dulot ng kolonyalismo, kung paano natin sila itinabi sa sariling daigdig. Naramdaman ko ang resentment na ang magandang buhay ng kasaysayan, ang mismong wisdom, ay sinusungkit mula sa mga keepers, gamit ang kanilang sariling wika subalit ang libro ay isinulat sa Ingles, na sila mismo hindi nila mabasa.  Isinulat ito, bilang report, para sa mga funders, malinaw na para sa may utos o mandate ng project.

Gawain ko rin ito. Sa limang libro ko, isa lamang ang Filipino, yong apat puro Ingles. Anong problema doon? Kuwento natin, istorya natin, kasaysayan natin, pero nakasulat sa hindi natin wika. Totoo nakakaiyak na bahaging ito. Magandang simula sana, iparamdam sa kanila na ang Ingles ay meron hindi magandang simula sa Pilipinas, mahalagang bahagi ito ng American military strategy, natalo tayo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon gapos pa rin tayo ng Ingles. Dapat isulat natin sa wika ng ating mga ka-wika. Kaya pa ba nating ayusin ang isyu sa wika?

Gamitin ang sariling wika, ito lamang ang sagot. Ang Wisdom para sa sariling istorya, puedeng-puede isulat sa Binukid/Higaunon/Talaandig, o sa Bisaya o sa Tagalog. Lahat ito ibilang na Filipino. Hindi ko sinasabing iputbol ang Ingles, nandiyan na yan, yan ang ating koneksyon sa kalibutan, ang mahalaga, ang ating mga wika buhayin at palawakin. Sa loob ng isang siglo, lahat ng wikang ginagamit natin maaari nating gamitin sa intellectual exchange, sa mga iskul o sa panggobiyerno. Meron ng batas na may kinalaman sa multilingual education [RA 10533] at sa paggawa ng isang kasaysayan ng bansa [RA  10908].

RA 10533  – an Act enhancing the Philippine basic education system by strengthening its curriculum and increasing the number of years for basic education, appropriating funds therefor and for other purposes,  May 15, 2013.

RA 10908, – an Act mandating the integration of Filipino-Muslim and Indigenous Peoples history, culture and identity in the study of Philippine History in both basic and higher education, July 21, 2016

Mainam na reminder ang tinuran ni Jose Rizal:  Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. Sa akin, tama si Rizal, kaso siya mismo gapos ng wika ng Kastila kaya ang Noli ang Fili ay nasulat sa Kastila. Ngayon, ibang siglo na ito, tayo naman ang nakatali sa Ingles. Sa susunod na siglo, nasa kamay natin ang buhay natin, puede pa natin ayusin ang buhay natin, buhayin at palawakin ang sarili nating mga wika. Magsulat ng ating istorya para sa ating mga kababayan, mas nakararami ang hindi speakers ng Ingles. Simple lang: ating kuwento, ating wika.

Ang suggestion ko. Huwag na huwag i-translate ang libro sa Binukid. Isulat sa Binukid, hindi nakabatay sa Ingles na nakapublish na. Una,  ang istorya ay nagmula sa mga Binukid.  Ang nangyari, ang English version ay nagdaan sa proseso na nagdaan sa Binukid- tungo sa Bisaya-sa dulo Ingles. Maraming nuances, pati ang espiritu ng istorya ay naglaho. Laging ganito ang nangyayari sa mga estudyante ng History na gumagawa ng History ng Lumad Community. Kasi ang titser nag-impose na isulat sa Ingles ang tesis.  Nakapasa nga sa klase pero ang produkto hindi naman mabasa ng mismong mga tauhan sa istorya. Maling-mali na proseso, hindi wastong historiography ito. Pangalawa,  sa usapin ng istruktura ng wika.  Sa Ingles, laging subject to predicate. Sa Binukid o Bisaya o Tagalog,  opposite o kabaligtaran ng Ingles.

Ang ginawa ko sa klase ko sa Bangsamoro-Lumad History, officially History 3, Dahilan na halos material nga ginagamit namin ay nakasulat sa Ingles, naging exercise namin na unawain nila ang istorya, tapos ikuwento sa kanilang wika. Huwag sumulat ng translation mula sa Ingles.  Ang resulta, na-awaken ang kanilang respeto sa sarili at sa kanilang sariling wika. Ang wika nila naging pang-intellectual exchange. Sa totoo, nagsimula sa self-introduction . Napansin ko nahihiya, hindi makatingin sa aking mata at sa klase. Pero ipinilit ko.  Pagkalipas ng isang semester, deretso na ang tingin nila sa akin at sa klase, at dere-deretso ang pagkukuwento. Dalawang ang nasungkit na bunga. Una, nagamit nila ang sariling wika sa intellectual exchange, at pangalawa, hindi maitago na tumaas ang self-esteem, tuwid na ang tingin sa kausap.

Ang kumbinasyong ito ay nagbubunga ng bagong istoryograpiya ng Mindanaw-Sulu, ang bagong nasyonalismo. Dinaan lang sa kuwentuhan ng kasaysayan  o istorya ng mga komunidad.

[Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007]

 

 

 

 

 

Comments

comments