WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa Banwa ko Mindanaw

ILIGAN CITY (MindaNews / 13 June)Magandang reminder ang Hunyo 12, Independence Day. Apat na magandang alaala ang naramdaman ko. Una ang kanta ng national anthem; pangalawa ang centennial parade sa Iligan; pangatlo ang kanta uli sa isang komperensya sa mga college students sa Davao, at pang-apat ang mga karanasan ko sa mga klase ko, sa Lumad at sa mga Bangsamoro.

Mula sa Grade I, 1949 hanggang Grade VI sa Dinaig Elementary School, ngayon Nuro Elementary School na, Sandi sanding torning ang kanta namin araw-araw sa flag ceremony. Ito ang Land of the Morning. Ito ang national anthem hanggang naghaiskul ako sa siyudad ng Cotabato. Sa first year, Notre Dame Boys Department, Ingles na lang talaga, bawal ang hindi Ingles, may multa, ito na rin ang national anthem namin. Pag second year, 1957-58, dumating ang Lupang Hinirang pero Bayang Magiliw ang nakatimo sa dibdib ko. Itinuro ito sa Music class namin, at ang klase namin ang nag-lead sa flag ceremony ng buong haiskul. Hanggang ngayon, retired na ako, ito pa rin ang naririnig ko.

12flag3web
122nd PHILIPPINE INDEPENDENCE DAY. Wearing a facemask, a poolice officer hold a huge Philippine flag before it is raised during the Independence Day celebrations in Divisoria, Cagayan de Oro City on Friday (12 June 2020). MindaNews photo by FROILAN GALLARDO

Sa isang kumperensiya sa Ateneo de Davao, 2014, puro mga senior na mga estudiante, siyempre nandoon din ang kanilang mga titser. Ako ang resource person. Merong akong dala na digital copy ng national anthem natin, sa Espanyol, sa Ingles at yong sa ngayon. Heto: Tierra Adorada. Land of the Morning, at Bayang Magiliw. (Heto ang link sa internet: https://www.youtube.com/watch?v=wcGCGuzTNPA)

Pinatugtog ko sa opening bago ako nagsalita. Sa Tierra Adorada, nakaupo sila, walang reaksyon, tahimik lang. Tumingin ako sa kanilang mata, walang reaksyon talaga. Sa Land of the Morning, ganon din, nakaupo rin, wala ring  kibo. Sa Bayang Magiliw, automatic, tumayo lahat, ang palad nagpunta sa dibdib. Merong kumakanta rin. Ramdam na ramdam ang enerhiya at espiritu ng pagkabansa. Buhay na buhay.

Sa Centennial parade sa siyudad ng Iligan, malaking selebrasyon ito. Meron magagandang float, meron din mga banda. Siyempre yong mga sikat tulad ni Bonifacio, si Rizal, sina Gomburza, si Mabini at iba pa. Nanood ako, sa sidewalk ako nakatayo; meron akong katabi na Meranao. Siniko ko, tanong ko sa kanya, Brod, anong tingin mo. Ang sagot niya: Inyo man na. Maliwanag sa akin. Hindi siya makakonek.

Sa mga klase ko, laging tinatanong  ko  sa mga estudiante ko, anong tingin ninyo sa bandila ng Pilipinas.  Ang mga Muslim, ang sagot nila: Wala kami diyan.

Dagdag tanong ko, bakit? Ang sagot nila: 333 years na lumaban ang aming ancestors sa mga Kastila, wala diyan sa flag.

Sa mga kumperensiya ng mga Lumad, nagtatanong din ako sa mga partisipante, ramdam ba ninyo ang pagiging Filipino. Ang sagot: hindi. Bakit? Dito kami naging minority sa sarili namin ancestral domain. Sa sumunod na diskusyon sa kasaysayan ng Mindanaw-Sulu. Sa dulo ng isang diskusyon, meron akong napulot mula sa isang Timuay ng Erumanen (pinuno sa Manobo), 2001. Ang wika niya. Hindi na natin puedeng ibalik ang kasaysayan, tapos na yon. Itong Mindanaw, ituring natin na isang kolon o palayok. Nakatayo sa tatlong paa. Ang tatlo: ang Bangsamoro, ang Lumad at ang settlers. Halata na hindi pantay ang populasyon, una Bangsamoro 20%, ang Lumad 10%, ang settlers 70%, batay sa senso ng 2000. Sabi niya, tumingin tayo sa ating pagkatawo, inilagay ang palad sa dibdib niya, diyan tayo pantay. Maliwanag na nasa pagtanggap sa isa’t isa upang manatiling matatag ang Mindanaw.

Nagkaroon ng collective name na Lumad sa Mindanaw noong 1986, sa pagsisikap na magkaroon ng sariling pamahalaan sa loob ng sariling ancestral domain. At sumulpot ang IPRA (Indigenous Peoples Rights Act 1997) lumipas ng sampung taon. Ngayon buhay at kumikilos na ang kolektibong pangalan at proseso ng ancestral domain claim nila.

Sa Bangsamoro, mahabang usapan at peace agreements sa mga Bangsamoro Fronts, mula pa noong 1975.  Nagpirmahan sa Tripoli Agreement noong 1976, marami pang kulang  at nagkayari noong 1996. Ngayon heto na ang BARMM,  ang bagong Bangsamoro Automatic Region in Muslim Mindanao. Tanggap na sa plebisito noong 2019. Meron pang ilang detalye. Kapag nayari ang proseso ng normalization, o ang disposisyon ng mga armas, susunod na ang Exit agreement. Ito nang katapusan ng gulo sa GPH (Government of the Republic of the Philippines) at sa MILF (Moro Islamic Liberation Front).

Gumagana na ang proseso ng pagtanggap sa isa’t isa. Ito na ang bagong Pilipinas. Ang pundasyon nakatayo na.  Pagdating ng susunod na pangalawang centennial, tiyak maaliwalas na.

Ang mahalaga, nasa kamay natin kung alin ang detalye na nararapat.

[Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007]

 

 

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback