ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa Terror (-ism) sa Ating Kasaysayan

Berdey ni Jose Rizal ngayon. Matagal din akong nagturo nito, kasi required course ito, hindi ka ga-graduate sa college kung wala kang Rizal. Anong natatandaan ko sa kursong ito: Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. Pero siya mismo hindi siya makasulat sa kanyang wika. Bright siya pero hanggang Kastila lang siya. Gusto ko gawin ito. Nang itanong ko sa titser ko sa klase sa MA program (1971-72), kung puede bang isulat ang term paper ko sa Tagalog. Sagot niya, hindi siya pumayag. Ginawa ko rin pero ang ginawa kung pambungad itong wika ni Rizal. Hindi niya ako maibagsak pero lowest passing grade lang. Tuwang-tuwa ako kasi nagawa ko ang gustong kong dapat gawin sa Pinas.

Una kong narinig ang salitang terror sa haiskul ko (1956-60). Terror ang turing ng mga klasmeyt ko sa World History titser namin. Nang nag-e-MA ako sa history, ten years after, ang klase naming sa Methods of Research. Pito kami pero ang sabi sa Department, anim lang ang puede sa isang klase, matrabaho ito para sa titser. Dalawa ang titser noon. Nauna akong mag-enroll, doon sa pinili ko, pero doon din silang anim. Terror daw yong isa. Ah sige, okay lang, doon na lang ako kahit mag-isa lang ako. Naging titser ko na siya sa akin noong nagdaang semester. Sabi ng titser ko ipakita ko lang na kaya kong magsulat sa kasaysayan at kung anong paksa. Tanong ko, kailan kami magka-klase. Depende daw sa akin. Hindi na ako sumulpot; sa huling araw na lang, para ibigay ang aking term paper. Ayaw niyang tanggapin dahil wala siyang evidence na ako ang gumawa. Iniwan ko na, pirmado ko at basta on time yon. Nakapasa din ako pero ibang titser ang nagbasa ng paper ko at siya rin ang nagbigay ng grado. Huwag na kayong mag-usisa sa dagdag na detalye. Thirty years yata na hindi kami nag-uusap, wala ring tinginan; dahil walang gustong bumigay. Hindi ko siya binigyan ng label na terror. Ngayon friend na kami.

Ano pa ang naging karanasan natin sa terror. Panahon ng martial law. Natuto ako sa larong hide-and-seek. Ayaw ko ang martial law. Yong terror nadagdagan ng -ism, naging terrorism. Nagkaroon din ng salvaging. Nagkaroon pa ng bagong kaganapan, itong security guard industry. Ang mga eskwelahan nagkaroon ng notice sa gate: NO ID NO ENTRY. Ang mga banko, ganon din. Pati sombrero (cap) ko ipinapatanggal. Ganon din sa mga Mall. Kahit saan halos. Sa mga lugar na meron giyera, ilang libo ang mga tao na naging biktima ng violence, torture, kasali ang mga masaker.

Malaking isyu ang terrorism, global ito, pero hindi ako nakatingin sa Anti-terrorism bill sa Kongreso. Ang ginawa ko nag Search ako sa terror at terrorism sa internet. Ayon, nagpasimula pala noong Reign of Terror ng gobiyerno sa France (1793-94), at naging bahagi ng Webster Dictionary na Ingles noong 1840. Heto ang link: https://www.merriam-webster.com/words-at-play/history-of-the-word-terrorism

Heto pa ang isa, mas marami ang detalye: https://en.wikipedia.org/wiki/History_of_terrorism

Tumingin din ako sa cycle of violence. Marami ang insights tungkol sa ating pagkatao. Lahat na anggulo ng ating buhay laging merong katapat na emosyon, enerhiya ito na hindi maaring tanggalin. Maaari lamang baguhin. Ang positibo, maaaring gawing negatibo, depende sa ating sariling desisyon. Sa buong daigdig, totoong iba’t iba ang ating wika, pero pagdating sa emosyon, pareho-pareho lamang. Ang pagmamahal o galit, ganon din sa iba.

Naging historyan ako na wala sa plano. Sinunod ko lang ang tulak ng dibdib ko. Ayaw ko sa martial law pero ayaw ko rin pumatay ng kapwa. Sa aking karanasan, akong nadiskubrihan na marami sa ating problema sa Mindanaw-Sulu ay malalim ang pagkakaugat sa kasaysayan, marami gawa ng gobiyerno, sa dalawang kolonyalistang gobiyerno, pati na ang sa republika.

Iba’t ibang audience na naging karanasan ko, yon lagi ang aking topic, kasaysayan ng problema ng gulo sa Mindanaw-Sulu. Tulad ng mga titser, mga pari at mga madre at mga Obispo at mga seminarian, estudiante, pulis, sa mga military officers. Isa na naging heneral ang nagkaroon ng ganitong realization. Wika niya wala sa military ang solusyon sa problema ng Mindanaw-Sulu. Ayon sa isang madre na taga Lanao del Norte, para sa kanya mula pa noong bata pa siya, ang mga Moro ang problema, hindi ang mga Kristiyano; ang kanyang hintuturo niya nakatuon sa Moro. Pero nang marinig niya ang kasaysayan, yong hintuturo niya bumalik at napaturo sa kanyang sarili. Sabi niya: Ako pala. At napaiyak siya.

Ngayon maliwanag na. Dapat buong sambayanan ang nagtutulungan. Ayan na ang ARMM na naging BARMM makalipas ng maraming taon na proseso, 1975-2019; konti na lang, malapit na sa Exit Agreement. Meron pang iba. Nandiyan pa ang BIFF, Abu Sayyaf, CPP-NPA, puro nakaugat sa kasaysayan.

Sa wika natin, ang terror simpleng pananakot, o pagsindak sa kapwa. Anong kaibahan nito sa aswang na dating kinatatakutan, kahit hindi natin nakikita. Kahit sa mga tambayan, kahit sa inuman, diyan maririnig yang salitang putang-ina, o bilat ni nanay, papatayin kita, itaga mo sa bato, nagmumula sa mga taong galit na galit. Sino sa ating mga magulang ang hindi nagpipingot ng anak? O hindi na namamalo ng anak? Kahit yong mga titser bawal na ang pamamalo pero pagdating sa bahay, gawa rin nila. Sa totoo, nasa kultura natin ang pamamalo ng mga anak. Saan nanggaling ang hazing sa mga fraternities? O mismo sa PMA? O sa PNP Academy? Ang emosyon ng terrorism, nakaugat at nagsisimula sa pagtrato sa ating mga bata. At nagiging kultura ng ating komunidad.

Uso o laganap sa ating bansa ang pag-labeling o tagging at merong tangay na emosyon. O itong turuan kung sino ang may sala, kahit sa mga driver. Kung meron tayong nais baguhin sa paggamit ng wastong label, o pag-tag, puedeng gawin, kahit sa panahon COVID-19 ng self-quarantine sa bahay, kahit sa larangan ng pag-iisip ng positibo sa ating kapwa. Ngayon, pati yong mga dating kolonyalista natin, tinamaan din. Wala sa kanila ang ating kaayusan. Nasa kamay natin. Nasa sa sariling realization natin, nandito ang magandang unang hakbang.

(MindaViews is the opinion section of MindaNews. Rudy Buhay Rodil is a Mindanao Historian and member of the government peace panel that negotiated with the Moro National Liberation Front (1993-1996) and with the Moro Islamic Liberation Front from August 2004 until the panel’s dissolution on September 3, 2008.)

Comments

comments