WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY: Pamalandong sa Tubig sa Ilog ng Pulangi at Agusan

ILIGAN CITY (MindaNews / 08 June) — Sumilip ako sa Wikipedia, hinanap ko ang Major Rivers ng Pilipinas. Tumingin din ako sa kasaysayan.

Pinakamalaki ang Cagayan River, 505 kilometro ang haba. Ang dalawa ay nasa Mindanao, ang Pulangi at ang Agusan. Gaya ng nabanggit ko na, ang pangalan na Pulangi sa mga Lumad ng Bukidnon at sa mga Lumad ng Cotabato at Maguindanao, ay malaking ilog ang ibig sabihin, sana hindi na kailangan idagdag pa ang river. Ang pangalang Agusan at nagmula sa mismong salita ng agos, ang kilos ng tubig ay umaagos paibaba.

Ang Pulangi ay nagmula sa Impasug-ong, Bukidnon, at ang dulo nito ay dumadaan sa siyudad ng Cotabato at lumalabas sa dagat na bahagi rin ng siyudad, 373 kilometro ang haba nito.

Ang Agusan ay nagmula sa Pantukan sa Compostela sa Davao Norte, at lumalabas sa Butuan, Agusan del Norte, 349 kilometro ang haba nito.

Sa mga kasaysayan sa Pilipinas, nababanggit ang mga ilog, pero milagro kung tutukuyin kung sino ang mga taal nga tagarito. Hindi nababanggit sa mga kasaysayan na ang Impasug-ong ay lugar ng mga Higaunon. Sa totoo, walong ilog ang nasasakupan ng daigdig ng mga Higaunon, mula sa Agusan, tagos sa Misamis Oriental at Bukidnon, hanggang sa siyudad ng Iligan sa Lanao del Norte. Dati, sakop nila ang mga baybayin mula sa Agusan hanggang Iligan. Makikita ito sa mga ilog na lumalabas sa mga komunidad sa mga baybayin ng hilaga ng Mindanao. Pito sa mga ito ay ang Odiongan (Gingoog), Agusan (Butuan), Kabulig (Claveria), Tagoloan, Lanao del Norte, Cagayan de Oro, at Balatukan (Balingasag). Pero puro mga Pinoy na dayo ang pumalit sa mga baybayin.

Ang agos ng Pulangi, paibaba patungo sa Cotabato, dumadaan ito sa mga lugar ng mga Manobo na kasali na ang sumunod na mga lugar ng dagdag pa na mga Manobo at ang mga Teduray. Susunod ang teritoryo ng mga Maguindanao, deretso na hanggang dagat. Mainam banggitin na ang Pulangi ay nagkaroon ng sanga sa bandang timog, ito ang Tamontaka, deretso na sa dagat.

Bunga sa dalawang kaganapan, ang resettlement ng mga taga Luzon at Kabisayaan, nagbago ang takbo ng kasaysayan sa populasyon. Sa pagitan lamang sa taon 1913 at 1960, nabaligtad ang mapa. Napatabi sila sa sariling lugar.

Dagdag dito ang pagdagsa ng logging. Mula noon 1961 sinimulan ng gobiyerno ang pagbibigay ng timber license sa mga logger. Umabot sa 164 na kumpanya ng mga logger ang kumalat sa Mindanao. Meron pa ang mga rantso at mga plantasyon. Ang resulta sa ating mga gubat, heto nakalbo. Pakitingin ang mapa sa ibaba. Nakuha ko sa ESSC. Makikita kung anong itsura ng kagubatan sa buong bansa sa loob ng ilang taon, mula sa 70 porsiyento hanggang noong 1900 sa gubat, mabilis na naging 18 porsiyento na lang sa taon 1999. At bumaba pa sa 6.6 porsiyento noon 2010.

rodilmap

Mainam pag-aralan kung anong naganap sa cycle ng tubig, pag-ikot mula sa ibaba, balik sa itaas, balik uli sa ibaba. At kung papaano naging epekto sa buhay ng mga tao. Huwag tayong magtaka na dumarami ang baha at bagyo. Apektado tayong lahat. Hindi na kailangan magturuan tayo. Mas mainam na magtulungan na lang tayo.

 

 

 

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback