WebClick Tracer

PERSONAL AND COLLECTIVE PRIVILEGE: Let us douse the embers of Marawi with the waters of compassion and resolve

(Personal and Collective Privilege Speech of Basilan Rep. and Deputy Speaker Mujiv Hataman, on the Third Anniversary of the Marawi Siege, delivered via Zoom during the House of Representatives session on 1 June 2020.)

Mister Speaker, fellow Members of the House, magandang araw po sa ating lahat. Binabati ko rin kayo ng Eid Mubarak, gawa ng Eid’l Fitr na marka ng pagtatapos ng sagradong buwan ng Ramadan para sa mga Muslim sa buong mundo.

I rise on a matter of personal and collective privilege—bilang isa sa ating mga Deputy Speaker; bilang kinatawan ng aking distrito ng Basilan na bahagi ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao; bilang Moro na dekada nang kumikilos para sa katarungan; at bilang Pilipinong kahanay ang diwa ng lahat ng mamamayang kinakatawan ng mga Congressman na nasa Bulwagang ito.

Mr. Speaker, let me begin by offering my prayers for your personal safety, as well as that of everyone here today. Nananalangin din ako para sa kaligtasan ng bawat isa sa mga constituent natin, bilang kinatawan ng taumbayan. Hindi biro ang krisis na kinakaharap natin ngayon. Bukod sa panganib sa kalusugan, malalim din ang pangamba at pagkalitong dulot ng COVID-19.

Celebrating Eid’l Fitr in the time of COVID-19 also leads me to reflect on some of its most profound messages. Sa pagtatapos ng Ramadan, napapaalalahan tayo na magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang mayroon tayo, at mas mahalaga, na ibahagi ito sa kapwa nating maaaring mas kinakapos. Isa itong mensahe ng pag-ibig, ng malasakit, ng pagpapalawak ng saklaw ng mga inaaruga at iniintindi natin—not just ourselves or our family and friends, pero pati ang mga maaaring hindi natin kilala ngunit may matinding pangangailangan. Reflecting on these in the time of COVID-19, one cannot miss the logic of why this is important.

Sa dulo ng lahat, sa kabila ng pagdurusa at panganib, nari- realize natin ngayon: Hindi puwedeng pabayaan ang iba dahil iisa ang mundong ginagalawan natin; hindi puwedeng kalimutan ang iba dahil lahat tayo apektado kapag sila ay nahawa. Neglect the working class and the economy collapses; neglect the poor and the healthcare system becomes overloaded; neglect the suffering of a few, and we all suffer together. Magkakaugnay ang diwa nating lahat. Magkakarugtong ang bituka nating lahat.

Nakakalungkot, Mr. Speaker, na kinailangan ng ganitong klaseng krisis para mapaalalahanan tayo nito. This logic should have been evident from the long history of mankind—and moreso, from the history of the marginalized peoples of our nation.

To my point, Mr. Speaker: Noong nakaraang Sabado, ginunita natin ang ikatlong anibersaryo ng Marawi Siege. Sentro ng komersyo at kultura ng mga Moro ang Marawi. Pinadapa ito ng bomba at mortar, at ngayon, ang mga kalsadang dati ay puno ng ingay at dinamismo ay parang naging liwasan ng mga multo. Tatlong taon, at isa pa ring lungsod ng gumuhong mga gusali ang Marawi. Hindi pa nakakauwi ang mga residente nito. Ayon sa UN High Commissioner for Refugees, nasa mahigit 25,000 na pamilya ang displaced o hindi pa makauwi.

Mr. Speaker, I hope that we all realize now that the suffering of the Moro reverberates to the suffering of all Filipinos; just as the progress of the Moro redounds to the progress of all. Ang maliit na tindahan sa Marawi ay umaambag sa ekonomiya ng buong BARMM, ng buong Mindanao, ng buong Pilipinas. Kapag naabot ng isang batang Maranao ang kanyang pangarap, magdadala siya ng dangal hindi lamang sa Marawi o Bangsamoro, kundi sa buong Pilipinas. Conversely, just as the radicals of today rose from the ranks of the poor and downtrodden Moros of yesteryear, tomorrow’s radicals can only come from Moros who are suffering injustices today. Ang tanong ko nga: Gaano katagal pa bago maimpluwensiyahan ng mga recruiter at violent extremist ang isa na namang henerasyon ng mga Moro na inetsa-puwera at kinalimutan ng mga makapangyarihan? Gaano katagal pa bago ang damdamin ng mga bakwit, lalo na ng kabataan, ay magpalit-anyo, mula sa lungkot at hinagpis, tungo sa galit?

Idadagdag ko rin, Mr. Speaker, na hindi either-or ang pagtugon sa pandemya at ang pag-rehabilitate ng Marawi. Sa totoo lang, magkarugtong ito, and the rehabilitation of Marawi has become even more imperative due to the dangers of COVID-19. Alalahanin natin, marami sa mga bakwit ng Marawi ang nagsisiksikan pa hanggang ngayon sa mga temporary shelter communities. 17,000 katao pa ang nasa mga komunidad na ito. Kung kaawa-awa ang situwasyon nila bago mag-COVID-19, mas lalong mapanganib ito ngayon. Any outbreak of the virus in our bakwit communities would endanger the entire nation.

Kaya nga ang pakiusap ko: Baka naman puwedeng upuan na natin ang lahat ng nakabinbing panukala at plano para sa Marawi. Daang-milyong piso ng pondo ang nag-expire lamang, sa halip na magamit para tugunan ang situwasyon. To be exact: Out of the P4.4 billion 2018 fund, P406 million expired and reverted to National Treasury. Para naman sa 2019, sabi sa mga ulat, noong April lang nag-release ng mahigit 3.5 billion pesos ang DBM para sa Task Force Bangon Marawi. Late na nga, kulang pa. Kulang na nga, hindi pa magamit nang husto at tama.

2017 pa binuo ang TFBM. Wala pa tayong nakikitang kongkreto at makabuluhang pagbabago sa Marawi; ang totoo nga, kahit maayos na paliwanag at transparency, hindi rin nila maibigay sa atin. Malinaw ito noong nag-congressional hearing tayo. Parang hindi nag-uusap-usap ang mga ahensya. Kaya siguro kapag pinagtabi mo ang mga litrato ng ground zero three years ago at ngayon, wala kang laban sa spot-the-difference. Dahil walang difference.

Mag-aapat na taon nang nagra-Ramadan ang mahigit sa 17,000 na taga-Marawi sa mga temporary shelters, at mas marami pa sa kanila ang nakikitira sa mga kamag-anak sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Kahit anong anggulong tingnan, actionable negligence nang maituturing ito, Mr. Speaker. Ang task ng Task Force Bangon Marawi ay ibangon ang Marawi. Alam nating malaki ang trabaho; alam nating maraming kumplikasyon. Pero kung sa loob ng tatlong taon ay hindi man lang tayo nakakita ng risonableng pagsulong sa kanilang nag-iisang misyon, kung sa loob ng tatlong taon ay hindi pa man lang nila natutuhan ang simpleng proseso ng maayos na koordinasyon, baka dapat malinaw na sa ating hindi silang dapat ilagay sa kanilang posisyon. Panahon na siguro para balasahin, o di kaya’y, palitan ang pamunuan ng TFBM.

Mulat ako na may ilang buhol pang dapat ayusin para tuluyan nang maibahagi ang Marawi compensation fund—upang maibaba ito sa mga komunidad, at ang mga debate natin ay maisalin na sa pagpapatayo ng mga dapat itayo, upang makauwi na ang dapat makauwi. Pero naniniwala ako, sa kabila ng mga aberya: Kung talagang gugustuhin, makakahanap ng paraan. Sa puntong ito, ang dapat number one priority natin: Gawin ang lahat upang makauwi ang mga residente ng Marawi.

Nananawagan ako sa Kamara: Madaliin ang pagpasa ng mga nakabinbing panukala ukol sa Marawi. Gawin natin ito bilang pagkilala at lunas sa maraming sugat na tinamo ng Moro sa kasaysayan ng ating bansa. Even more importantly: Let us move swiftly, as an act of self-preservation. Dahil sa panahon ng COVID-19, ang pagdurusa sa Marawi ay maaaring maging mitsa ng pagdurusa nating lahat.

Huwag na nating hayaang lumikha ng mga bagong hapdi sa kamalayan ang nangyari sa Marawi. Gawin nating kuwento ng malasakit at pakikiisa ang Marawi, sa halip na kuwento ng pagpapabaya. Let us douse the embers of Marawi with the waters of compassion and resolve. Otherwise, we will only have ourselves to blame if the flames of conflict rise again.

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback