WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY: Pamalandong si Marya o Maryam sa Kasaysayan ng Pinas

ILIGAN CITY (MindaNews / 27 July) — Noong February 1978, nakarating ako sa Boac, Marinduque; wala sa plano ko, wala akong dalang bolpen, o papel o kamera; wala pang celfon noon. Nagtungo ako sa simbahan, doon sa ibabaw ng gulod; nakapaloob ang simbahan na protektado ng matataas na pader, halatang fortress. Sa gilid ng pintuan ng cathedral, nakasulat sa bronse ang isang memorial. Umandar ang aking pagkahistoryan. Historic ito. Kailangan kong kopyahin ito. Mabilis akong bumili ng bolpen at papel.

Heto ang kinopya ko: “Dambana ng banal na Ina ng Biglang Awa na itinayo noong 1792. Naniniwala ang mga tao na siya ang nagligtas sa pagsalakay ng mga Moro noong ika-18 dantaon. Dito binindisyunan ang bandila g himagsikan na dala ni Canuto Vargas noong 1899. Ang pari ng Parokya, Saturnino Trinidad, ay tumulong kay Kapitan H. H. Bandoltz, U.S.A. sa pagpapasuko kay Koronel Maximo Abad at sa 300 manghihimagsik.”

Tahimik lang ako, pero merong na-trigger sa dibdib ko. Yon ang panahon na nagsusulat pa ako ng libro na Two Hills of the Same Land. Sinisikap kong unawain ang problema sa Bangsamoro kung saan ako ipinanganak at doon ako lumaki.

Taon 2020 na, dahilan sa COVID-19, nakatali na ako sa bahay, naging ugali ko na maghalungkat sa aking files. Natagpuan ang aking may edad na notbuk. Mukhang manilaw-nilaw na, kung saan inilipat ang kinopya ko sa Boac. Upang ma-validate yong nakita ko noon. Nandoon pa kaya iyon?

Nag-search ako sa Boac sa internet, at ito ang aking nakita. Ito nga ang pinagkopyahan ko. Heto ang link: https://www.lakadpilipinas.com/2011/07/marinduque-boac-cathedral.html

m27rodil1

Naghanap ako ng karagdagang detalye tungkol sa naganap na pagsalakay sa simbahan. Nakita ko sa Wikipedia. Heto ang link: https://en.wikipedia.org/wiki/Boac,_Marinduque

Mga Franciscan ang naunang dumating sa Boac. Pumalit ang mga Hesuwita noon 1621. Meron silang dalang estatuwa ng Birhen Maria. Nang maganap ang pagsalakay ng mga Moro, nagtungo ang mga tao sa simbahan. Napapaligid ito ng matataas ng pader. Ang kalalakihan nila ang nanindigan at nakipaglaban sa labas. Marami ang namatay na lumalaban. Sa ikatlong araw, kinakapos na raw ng pagkain at tila konti na lamang at mapapasok na sila. Katakot-takot na dasal sa Birhen Maria, na sana huwag sila mabihag.

Ayon sa kuwento, biglang dumating ang isang malaking bagyo, kasama ang rumaragasang na ulan, at meron pang malalakas na kulog at kidlat. Dito sumulpot sa ibabaw ng simbahan ang Birhen Maria. Takot kumaripas ng takbo ang mga sumasalakay patungo sa kanilang mga vinta; mabilis silang nagsialis.

Dito nagsimula ang pagtukoy na “Biglang Awa” sa Birhen Maria. Ang imaheng ito ang inilagay sa ibabaw ng pintuan ng simbahan.

Ang naramdaman ko noon, at ngayon ganon pa rin, bagamat hindi ganon katindi. Marami na ang nabasa ko sa puntong ito ang tungkol sa away ng Moro at ng Kastila. Ganito ang naganap sa Boac, ganon din ang nangyayari sa buong inabot ng giyera. Nagsimula sa 1565 umabot sa taong 1898. Punong-puno tayo ng kawalan ng pagmamahal sa isa’t isa. Kaya nga ako nagsusulat ng tungkol sa Bangsamoro problema.

Ipinanganak ako sa Maguindanao, lumaki kasama ang mga Maguindanao, mga Meranao, mga Lumad, mga settlers na Tagalog, Ilonggo, Ilocano, Waray, Pangalatok. Sa ganitong kalagayan natuto kaming makisama, at natutong makiramdam sa isa’t isa. Sa ganitong paraan, nabubuhay na walang gulo. O kung maliliit lamang na gulo na madaling maayos; hindi na pababayaan na lumaki.

Taon 1985, panahon ng giyera sa Lanao del Sur, at sa ibang bahagi ng Kamorohan. Isang buwan akong nag-aral kung ano ang Islam sa Marawi City. Noon ko narinig at nabasa ang tungkol kay Maryam.

Ngayon sumilip ako uli sa internet, at heto ang napulot ko. Ingles ito at hindi ko isinalin sa Tagalog:

Mary (Arabic: مَرْيَم‎, Maryam), the mother of Isa (Jesus), holds a singularly exalted place in Islam as the only woman named in the Quran, which refers to her seventy times and explicitly identifies her as the greatest of all women,[1][2][3] stating, with reference to the angelic salutation during the annunciation, “O Mary, God has chosen you, and purified you; He has chosen you above all the women of creation.”[4] In the Quran, her story is related in three Meccan chapters (19, 21, 23) and four Medinan chapters (3, 4, 5, 66), and the nineteenth chapter (sūrah) of the scripture, titled “Mary” (Maryam), is named after her. The Quran refers to Mary more often than the Bible.[5] Nandoon din ang isang photo ni Maryam, na ngayon ko lang nakita at nakasaad sa ilalim ang “Mary and Jesus in a Persian miniature.” min27rodil2

Kung nais pa nating magbasa ng karagdagang detalye, heto ang link: https://en.wikipedia.org/wiki/Mary_in_Islam

Anong koneksyon sa atin sa Mindanao, maging sa Pilipinas?

Maliwanag. Si Maria o si Maryam ang tulay.

Ang problema sa Mindanao ay problema ng buong bansa. Problema sa relasyon natin sa isa’t isa. Bunga ng kolonyalismo. Hindi lamang ang terorismo ang ating kaharap. Sa akin, kung maaayos natin ang ating relasyon sa isa’t isa sa bawat komunidad, mawawalan ng dahilan para buhayin pa ang terosimo. Dahilan malalim ang naging papel ng relihiyon sa pagbubuo ng problema, mahalagang kumilos din, consciously, ang mga simbahan sa bawat parokya.

Maging ang Papa Francis ay nagsasagawa ng sarili niyang advocacy. Wala na ang patronato real, noong panahon ng kolonyalismo, kung saan ang Hari ng Espanya ang namamahala at sumusuporta sa gawain ng simbahan. Matagal na itong wala. Mahalaga na ang mismong Papa ay nagsasagawa ng sarili niyang peace advocacy. Heto ang isang ebidensya, isang photo ang Pope, kasali ang ibang mga lider ng iba’t ibang relihiyon, kuha noong August 2016 sa U.S. America. Heto ang link: https://www.huffpost.com/entry/the-need-for-interfaith-dialogue-in-america_b_57c0b344e4b06384eb3f59bf

min27rodil3

Mahalaga na itigil ang pagtuturuan kung sino ang dapat managot. Tayong lahat ang dumaranas ng problema. Para sa akin, mas madaling ituon ang ating sariling hintuturo sa ating sariling dibdib. Nandito ang problema. Isang diyos ang ating tinitingala, isang Birhen Maria lamang ang Ina ng Biglang Awa. Maryam din siya sa mga Muslim.

Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commission sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007.]

 

 

 

 

 

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback