WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa Ecce Crucem Domini et Agnus Dei

ILIGAN CITY (MindaNews / 20 August) – Pagtatagpo (o panagtagbo sa Bisaya) ng landas ng krus kasali ang imahe ng Agnus Dei (Lamb of God) at ang anito sa Luzon at diwata sa Kabisayaan at sa Mindanao. Sunod nasaling (touched) ang puso ng mga pinuno. Sa istorya ni Elian ng Butuan (Agusan) at ni Inok sa Tandag (Surigao).

Taon 1596, Nobiyembre, nang dumating sa Butuan mula sa Cebu ang dalawang Hesuwita na sina Padre Valerio de Ledesma at si Padre Manuel Martinez. Nalipat sila sa Cebu noon 1597. Sa loob ng maikling panahon na ito, hindi nga umabot ng dalawang taon, nakapagbinyag sila ng 800 katao. Kapani-paniwala, di ba?

Ayon sa dalawa, ang dinatnan nila ay mga taong likas na mabagsik at tipong di puedeng kaladkarin maski saan. Kilalang lider sa Butuan si Elian, kinikilala at kinagugulatan sa buong teritoryo. Ganito ang nangyari.

Pinasimulan ng dalawang pari ang pagtitipon tuwing linggo na sa tuwina’y dinadaluhan ng maraming tao, Bisaya Sugbu (Cebu) ang gamit nila. Halatang marunong na sila pagdating nila. At ayon pa rin sa ibang mga misyoneros na kumilos sa buong hilaga-silangan ng Mindanao, ganito talaga ang wika na ginagamit ng mga taong taga doon.

May sesyon sila sa mga bata na matiyaga nilang pinagpapaliwanagan ng doktrina. Pagkatapos ay ang mga matatanda naman. Sa pakiramdam ng mga pari, walang pagdududa raw na pumaloob ang kapangyarihan ng Diyos sa mga salita ni Padre Martinez sapagkat, minsan, sa kalagitnaan ng kanyang sermon ay bigla na lamang lumuhod si Elian at buong taimtim na nakiusap na siya’y binyagan.

Pati ang ilang Kastila na nandoon ay natilihan (nahikugang sa Bisaya). Nasaling naman daw ang damdamin ng kanyang mga sakop at ang mga ito’y napaluha.

Dahil natigilan ang lahat, pumagitna si Padre Ledesma, itinaas ang isang krusipiho at nagdagdag pa mandin kung papaanong ang halimbawa ni Kristo ay sumaling sa puso ni Elian. Tumayo noon din si Elian, lumapit sa krusipiho at hinalikan ang mga paa nito. Sumunod sa kanya at ang iba pa.

Doon din ay gumawa ng pahayag si Elian na lahat ng taong kanyang pinagkakautangan ay kanyang babayaran. Pagkatapos ay hiniwalayan niya ang kanyang mga asawa at ipinagsasauli ang dote ng bawat isa.

Sunod ay pinag-aralan niya ang mga dasal at ang katesismo upang mabinyagan siya sa lalong madaling panahon. Malaki ang naitulong ng halimbawa ni Elian sa paghimok sa iba na magpabinyag na rin. Sunod-sunod na.

Ilang mga kuwento ng kababalaghan ang sumunod: patuloy ang pagbibigay ng leksyon sa doktrina, laging puno ng simbahan, sakit naayos sa paggamit ng agnus dei (Lamb of God, tukoy kay Hesus) at pagsambit sa “Hesus”, sakit gumagaling tapos ng binyag, mga tao nagtayo ng krus sa kabukiran, sugatan bunga ng sungkal ng baboyramo na naghilum pagkatapos ng dasal ng pari gamit ang krus, ang pamilya nakapaligid sa krus sa loob ng bahay, paulit-ulit ang banggit sa Hesus, kumidlat ang kahoy sa tabi ng bahay nasunog, uling na; ang bahay nila hindi tinamaan. Ligtas silang lahat. Laki ang kanilang pasasalamat sa Diyos na tumulong sa kanila bunga ng kanilang pagsambit sa Hesus at sa paniniwala nila sa krus.

Papaano kumakalat ang mga kuwentong ito?

Ayon sa istorya ng dalawang pari,  natuklasan din nila na ang doktrina ay inaawit ng mga tao, at wala na nga raw ibang naririnig sa buong bayan, sa mga bahay, sa pagtatrabaho, sa pagsagwan at sa paglalakad. Ang mga kabataan ang pangunahing tagakanta. Sa bahay daw ng mga nakakaangat, walang tigil ang awit, araw-araw, kahit sa gabi.

Taon 1609-13 nang dumating ang walong Recoleto sa Tandag (Surigao). Noon din naganap, sa umpisa ng istorya, sa isang paghahamok noon sa Tandag, mga Kastilang sundalo dumayo laban sa tawag nilang mga Caraganes (taga Caraga). Nanalo ang mga Kastila.

Nagpasiya ang mga Recoleto na mali na manirahan sa garrison. Isa lamang sa pangkat ang nedistino sa garrison. Ang iba tumira sa labas. Tapos trabaho kaagad, kanya-kanya sila ng istasyon. Meron napunta sa Higaquit, meron sa Butuan, meron din sa Cagayan de Oro. Si Padre Fray Miguel de Santa Maria ang naiwan sa Tandag. Maaga nilang nalaman na Bisaya tulad sa Sugbu ang wika sa rehiyon na kinalalagyan nila.

Nalaman niya kaaagad  na si Inok doon ay kilabot hindi lamang sa Tandag kundi pati na rin sa mga karatig pook. Siya ang pinapanginoon sa Tandag at may bukana pa nga ng isang ilog na ipinangalan sa kanya. Wala siyang patawad sa pagpatay, sa pagnanakaw at sa pang-aalipin. Noong panahong yaon daw ay mahigit na  dalawang libo ang kabuuang bilang ng kanyang mga alipin. Hindi rin mabilang ang kanyang mga napatay. Matindi ang kanyang poot sa mga Kastila at dahilan ito upang hindi siya pumayag sa anumang kasunduang pangkomersyo o pangkapayapaan.

Siya ang pinag-ambisyunan ni Padre Fray Juan de la Madre de Dios. Pinag-isipang maige ng pari kung papaano niya maakit ang datu. Nag-ayuno muna siya at nagdasal. Pagkatapos ay lumakad siyang mag-isa. Ganon na lamang ang gulat ni Inok sa lakas-loob ng pari. Nakarating ito sa kanyang harapan nang hindi man lang nagpaalam at buong galang pa ring nakipag-usap sa kanya. Pinatawad niya ang pari sa pagkawalang-galang nito na sa pangkaraniwan ay itinuturing niyang insulto sa kanyang pagkatao. Ano ang ibinunga ng unang pagkikitang ito?

Pumayag si Inok na magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa mga Kastila sa Tandag; pumayag siyang magkaroon ng komunikasyon at pakikipagkalakalan sa mga ito, at pinayagan niya ang pari na maglabas-masok sa kanyang teritoryo at magpakalat ng doktrina sa kanyang mga sakop. May bilin din siya sa kanyang mga tauhan na tumulong sa pari.

Di naglaon, pagkatapos niyang tumanggap ng instruksyon sa doktrina, siya ay nagpabinyag.

Bilang pagbibigay halimbawa sa kanyang mga sakop, pinauwi niyang lahat ang kanyang mga asawa at nagtira lamang siya ng isa na kanyang pinakasalan ayon sa batas ng simbahan. Binigyan niya ng kalayaan ang kanyang mahigit na dalawang libong alipin. Pagkatapos ay nagpabandilyo siya na babayaran niya ang lahat niyang pinagkakautangan.  Kumalat ang balita ng kanyang kumbersyon at bunga nito ay maraming iba pa ang nagsisunod sa kanyang halimbawa.

Nang pumalit ang mga Hesuwita sa Mindanao, ipinagpatuloy ang napasimulan ng mga Recoleto. At maganda ang dulo ng kuwento ng pagsungkit ng mga puso ng mga taong taga Mindanao.

Mahirap ipaliwanag kung papaano nagkaganon si Elian at si Inok. Milagro daw, ayon sa mga Kristiyano.

Pero sa tingin ko, batay sa aking mahabang karanasan sa Mindanao-Sulu, ganitong-ganito ang nangyari. Nagkatagpo (nagkatagbo sa Bisaya) ang landas ng paniniwala ng mga taga Pinas, at sa Mindanao-Sulu, sa doktrina nga Kristiyano.

Nagkaroon ng blending o pagkakasundo ng nakaugat na nakaugaliang paniniwala at ng bagong dating na doktrina ng Kristiyano. Kapansin-pansin sa mga nag-aral na ginawa ng pari tungkol sa mga Kristiyano, meron silang napansin kaagad at kanilang tinatawag na split-Christianity. Ayon din sa pag-aaral ng ilang kaibigang Bangsamoro tungkol sa kostumbre at Islam sa buhay nila, halos ganito rin.

Totoo ipinagbawal ang mga imahe ng Diwata sa Mindanao, at anito sa Luzon. Tuwang-tuwa ang mga pari sa Antipolo na naglaho na ang mga anito, at nakikita na maraming mga kalalakihan nagro-rosaryo sa simbahan. Pero bakit daw nawawala kung biyernes ng gabi? Ayon, nagtataka. Patago niyang sinundan ng isang pari ang mga lalaki. Nagtungo pala sila sa isang kuweba. Doon sila nagrosaryo sa harap ng kanilang itinagong mga imahe ng mga anito.

Kaya nga maganda ang ginawa sa Vatican II noong 1963 na gawing turo ang ecumenism sa iba’t ibang mga relihiyon at iba pang paniniwala. Para maging mapayapa ang buhay sa buong mundo. [Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback