WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa Ecce Crucem Domini

Totoo. Bago sa akin ang Ecce Crucem Domini, lalo na ang buong teksto na apat na linya. Heto:

Latin:
Ecce Crucem Domini,
Fugite, partes adversae,
Vicit Leo de Tribu Juda,
Radix David, alleluia.

English version:
Behold the Cross of the Lord!
Flee ye adversaries!
The Lion of the Tribe of Juda,
The Root of David has conquered, alleluia!

Saan ito nagmula? Nag-search ako sa internet. Heto ang link:

https://neofytosblog.wordpress.com/2018/03/14/ecce-crucem-domini/

Para sa ibang detalye sa kuwento, pakitingin sa link na ito:

https://www.fisheaters.com/stanthonysbrief.html

Noong ika-13 siglo, isang babaing Portuguese ang hirap na hirap na sa panggugulo ng demonyo sa buhay niya. Magpapalunod na lamang sa ilog. Napadaan siya sa shrine ni Santo Antonio de Padua. Huling dasal na niya ika niya. Pero napansin niya si Santo Antonio, nakatayo sa harap niya at sabi: “Tumayo ka, dalhin mo itong papel na ito para makaalpas ka sa demonyo.” Dito nakasulat ang dasal. Hindi na niya itinutuloy ang kanyang plano na magpakamatay. Kumalat ang istoryang ito sa buong mundo.

Meron bang ebidensiya ng tableya? Doon sa Goa, India (dating estado ng Portugal Empire sa loob ng 450 taon). Yong dati, nasa obelisk sa St. Peter’s sa Roma.

Anong koneksyon nito sa Mindanao-Sulu? At sa buong Pilipinas? Sa akin malaki at mahalaga. Integral na bahagi ng pagkatao ng Kristiyano.

Taon 1990, tinatapos ko ang aking MA sa kasaysayan sa UP, first time, nang magtanong ako sa sarili ko. Misteryo sa akin na papaano tayo nasakop ng mga Kastila na lagi naman mas marami tayo kesa sa kanila. At papaano tumagal ng 333 taon, mahigit na 200 na mga hiwa-hiwalay na rebelyon, laging talbog sa ending? Laging gamit na puwersa ng Kastila ay mga opisyal na Espanyol pero makakarami lagi ang mga Kristiyanong Indio sa mga kawal.

Pero pagtungtong ng huling bahagi ng ika-18 siglo, saka lamang bumilis ang takbo ng kasaysayan ng sumulpot ang Gomburza (Gomez-Burgos-Zamora), sunod ang propaganda, sunod ang Katipunan. Tapos noong 1898, nag-deklara ng malayang Pilipinas.

Dito natin madadarama ngayon kung papaano naging isang Kristiyano noon at papaano naipagpatuloy sa loob ng maraming taon. Sa paraan na hindi napawi ang aking mga anito at diwata. Buhay na buhay pa rin, nagbago man ang image. Ang puso at diwa, nandoon pa rin. Ganito yata nabuo ang Pinoy.

Heto ang dalawang exciting na simula ng kuwento.

Naghanap ako ng pinakasusi na detalye. Naghanap ko ng mga reports ng mga misyonero na nakalathala sa The Philippine Islands, 1493-1898. Edited and annotated by Emma Helen Blair and James Alexander Robertson, published sa Cleveland, Ohio. 55 volumes. Doon ako nakakita ng mainam na datos. Maliwanag na karanasan. Nasa reports ng mga misyoneros na nakalathala sa Volume 21.

Lahat ng mga nauunang mga misyonero ay nagkaroon ng headquarters sa Maynila. Sa buong kapuluan, yong naunang limang mga grupo ng mga misyonero ay binigyan ng mga assignments. Sa mga Augustinian Recollects, o Recoleto na lang na dumating noong 1606, unang ibinigay sa kanila ang Tugui (na naging Masinloc), Zambales. Inilagay sila sa Mindanao, north-eastern Mindanao, sakop ang Surigao-Agusan-Cagayan de Oro. Silip lamang ito ng kabuuan ng kanilang nagawa.

Ang una nilang ginawa, kahit nasa Maynila pa, ay pag-aralan ang wika ng Tagalog. Sa Agusan naman nagpokus sila sa Bisaya.

Tatlo silang nagtungo sa Zambales, sakay ng bangka mula sa Maynila, dalawang pari at isang Hermano (Brother ang tawag ngayon) na pinamumunuan ni Fray Rodrigo de Miguel. Meron silang kasamahan, bangkero at mga giya. Mula sa baybayin, nagdaan sila sa madawag na magubat bago dumating sa komunidad. Napadaan sila sa isang lugar na meron altar sa ilalim ng kahoy ng manggang paho. Pinagsabihan sila ng mga giya na huwag itong galawin. Tiyak mamamatay ang sinuman gumalaw nito. Sa tanungan nila, nalaman nila mahalaga ang paho sa ritual sa pag-aanito. Babae ang nagpi-preside sa ritual, kasali ang awit-sayaw-dasal sa anito, merong din bells sa kamay. Kasali ang pagpapatulo ng dugo na manok na tandang (rooster).

Tungkol sa paho, diin ng giya, hindi sila kumakain mula sa kahoy na merong altar, sila mismo hindi gagalaw nito. Ang ginawa ng pari, ipinaliwanag ang kapangyarihan ng kanyang krus na nakasabit sa leeg. Protektado siya nito. Sabi na pari, umakyat na kayo, kumuha kayo ng hinog na bunga ng paho. Ayaw nila. Ang pari ang umakyat, sabay awit sa kanyang Latin na “ecce crucem domini…” Nakuha niya ang mga prutas, tapos, tuloy na sila sa komunidad. Hindi sila bumagsak na patay. Wika sa kanila, tahimik lang kayo. Pagdating doon, sa harap ng mga lider, tapos ng pagkakilanlan, inalok nilang kumain ng hinog na paho na dala nila. Tuwang tinanggap ang alok at kumain. Habang kumakain sinabi kung saan galing ang paho at ipinaliwanag ng pari ang kapangyarihan ng kanyang diyos, ito ang krus, inawit uli ang ecce kaya buhay na buhay siya, at sila rin hindi sila mamamatay.

Ang sumunod na kabanata, naging binyagan silang lahat. Ang dating Tuqui nang lumaon ay naging Masinloc.

Heto ang report mula sa Agusan.

Si Fray Juan de San Nicolas sa Butuan at si Fray Jacinto de San Fulgencio sa Linao (sa upper Agusan).

Kasama ang ilang dating Kristiyanong Butuanon, nanirahan sina Fray Jacinto sa isang bahay. Naglagay siya doon ng isang altar na nilagyan niya ng mga imahen. Nang makita ito ng mga di binyagan ay laking pagpuri nila. Sa isang asembleya ng mga datu ay ipinaliwanag niya ang doktrina Kristiyana, ang tungkol sa totoong Diyos at iba pa at hinimok niya ang mga ito na itakwil nila ang kanilang paniniwala. Pinagtawanan siya ng mga ito ngunit merong isa na itinuro ang kinalalagyan ng kanilang diwata. Nang patungo na siya doon, hinarang siya ng ilan, puro nakaamba ang mga sandata. Ilang malalamig ang ulo ang nakiusap sa kanya na huwag na niyang ituloy ang kanyang binabalak. Kung gusto niyang magtayo ng simbahan doon, meron pang mas magandang lokasyon. Sumagot ang pari na ang bahay na kanyang layon, na siyang kinalalagyan ng mga altar at mga imahen ng mga tagaroon, ang kanyang gusto, umaayon sa kanyang iniisip na mga pagtitipon at instruksyon sa doktrina. Sa takot na baka magkagulo, sinamahan siya ng kanyang mga alalay na Butuanon hanggang sa may pinto. Nandoon nga sa loob ang maraming altar. Ang imahen ng diwata ay nasa pinakamataas na bahagi at natatakpan ng kurtina. Hindi niya kunyari ito binigyang-pansin. Bumaling siya sa mga datu at binanggit ang tungkol sa paglalagay doon ng altar ng tunay na panginoon. Pumayag ang mga ito. Nang palabas na sila, sinadya ng pari na pansinin ang diwata at nagtanong siya kung sino ito. Walang sumagot. Bigla itong sinunggaban ng pari. Nasindak ang mga datu at inaasahan nila, tulad ng kanilang paniwala, na anumang sandali ay patay na babagsak ang pari. Hindi nangyari. Nabihag pa ang kanilang diwata! Noon din ay ipinaliwanag ng pari na sila’y nabubulagan at kapag sila’y nagpatuloy ay malaking kasalanan ito sa totoong panginoon. Umalis siyang dala ang diwata. Kinabukasa’y nagsirating ang mga ito, dala ang maraming ginto at sinikap na tubusin ang kanilang diwata. Ngunit hindi sila pinagbigyan ng pari. Sa halip ay nagbalik ito sa Butuan. Humabol ang mga tao doon at ipinagsabi na walang halaga ang kanilang diwata at handa na sila upang tumanggap sa totoong Diyos.

Laking tuwa naman ni Fray Jacinto. Naging binyagan na sila.

Heto ang mapa ng Mindanao-Sulu noong 1890, batay sa gawa ng mga Hesuwita na ginawan ni Dr. Sabino “Abe” Padilla Jr. ng UP Manila ng digital bersyon. [Note: See attached map, used with prior agreement between author and the late Dr. Padilla.]

12mindanaomap web

Ang kulay brown ang mga lugar na naging Kristiyano, sa tantiya ng huling mga Hesuwita, noong 1898: 123,587 old Christians na iniwan sa kanila ng mga Recoleto; ang bagong Kristiyano ay 59,771. Ang asul ay mga Lumad, at ang berde ang mga Muslim.

[Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback