WebClick Tracer

ANGAY-ANGAY LANG: Pamalandong sa usap-usap tungo sa kapatiran

ILIGAN CITY – Natural sa akin na mabuhay ng tahimik sa pamilya. Pero lagi naman merong banggaan, iyakan lalo na sa mga bata. Maya-maya, laro na naman. Ito talaga ang cycle sa buhay ng tao, sa larangan ng mga bata.

Sa mga tinedyer, iba na naman ang cycle. Ang kilos, pati ang mga mata, ang tono ng boses, pati ang wika at nilalaman nito. Uso na ang barkadahan. Ngayon, kasali na dito ang ang celpon, tablet at I-pad at internet. Panahon ng Covid-19, walang klase, heto na ang chat at zoom.

Pagdating sa pagbibinata at pagdadalaga, umusad na ang cycle. Dito ang usapan napupunta na tinginan, kuwentuhan, kantahan, date-date, holding hands  at paglagay sa tahimik.

Ang kasalan, hindi lamang sa union o pagkakaisa ng dalawang tao, kundi sila ang  nagiging tulay tungo sa mga alyansa ng mga pamilya. Dito nagiging uso ang tawagan ng pare at mare. Ibang imahe ito ng kapatiran. Napapakinabangan ito sa negosyo at sa pulitika.

Sa larangan ng negosyo, yong dating  bigayan sa kapitbahay, nandoon din ang barter o palitan sa komunidad o sa mas malaking komunidad. Ngayon, malakihan na ito, bilang na bilang. Antas na ito ng cash o tseke o bank to bank na mga usapan.

Uso na ang mga joint venture, at export-import, kasali na ang international trade.  Sa mga siyudad, malakihan na ang mga negosyo, tulad ng big time grocery na nakabase sa barangay, o sa munisipalidad, o sa probinsya, o sa buong bansa.

Sa larangan ng pulitika, naiiba pa rin. At karagdagang estruktura sa pagpapatakbo ng gobiyerno. Nakaangat na tayo, mula sa pamilya, napunta sa balangay, na naging baryo at ngayon naging barangay, at sumulpot ang munisipalidad, at probinsya, ngayon meron ng regional.

Kaya sa Mindanao-Sulu, meron na tayong bago, iba sa ibang lugar sa Visayas at Luzon, ito ang ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) at ngayon naging BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao).

Ngayon, gumaganda na ang takbo ng BARMM, pero alam natin na nandiyan pa, ongoing pa ang normalization at decommissioning ng mga armas. Sa pirmahan ng Exit Agreement, dito, pormal na matatapos na talaga ang GPH-MILF peace negotiation.

Ang alam natin sa Mindanao-Sulu na marami pa ang dapat ayusin, tulad ng Abu Sayyaf at napadagdag ng bagong elemento ng IS o Islamic State, tulad sa BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na umisplit sa MILF, at marami pang private armies at loose firearms sa paligid. Ngayon, ang pinakabagong imahe ng problema ay IS o Islamic State.

Kaya, bahagi ng usapan na pagtulungan ng AFP at ng BARMM ang pag-collect ng mga armas.

Sa bandang north at eastern Mindanao, nandiyan pa ang CPP-NPA. Papaano aayusin? Ang mga lider sa magkabila ang nagpatigil sa pag-uusap? Ang mga barangay kung saan nandoon ang apektado ng mga tao, sila ang mainam tanungin.

Nais ba nilang ilagay ang kanilang tahanan sa buhay na tahimik? Ganito ang ginawa ng mga taga Tulunan, North Cotabato na apektado ng pagkilos ng CPP-NPA. Ang mga tao doon ang nagtatag ng peace zone nila.

Ganito ang ginawa ng mga tao na nagbuo ng sariling peace zone, meron konting tulong ng mga NGOs tulad ng Tabang Mindanao, CO-Multiversity, Kadtuntaya, Pakigdait, simbahan.  Doon naganap  sa Pikit,  North Cotabato, sa Dungos sa North Cotabato, sa Bula sa Sultan Kudarat, sa Maguindanao, sa Maladeg, sa Lanao del Sur, sa Lanao del Norte.

Iba’t iba ang mga pangalan tulad ng Peace Zone, Space of Peace, Sanctuaries of Peace, Sindaw ko Kalilintad (Flame for Peace), Pakigdait. Meron din initiative na matatawag na tri-people sa mga tao doon sa Dinas, Zamboanga del Sur.

Ang mahalaga, ang mga tao mismo ang nagdesisyon na magbuo ng sariling peace zone.  Sa Pikit, halimbawa, kinausap nila ang pulis, ang military, at ang MILF na nais sila ng buhay na walang armas. Nagawa nila.

Ang Maladeg peace zone, puro kasangkot sa gulo sa Lanao del Norte at Sur noong panahon ng AFP-MNLF na giyera; pero-parehong armado. Nagsimula ang usapan mula sa pagbibigay ng isang niyog sa isang matanda na nagugutom.

Nagawa nila noong 1978; nandiyan pa rin sila, tahimik ang kanilang buhay. Nagbuo rin sila ng isang komite na ang trabaho ay makiramdam sa paligid. Kung meron nagkakainitan, at tila matutungo sa gulo, pinupuntahan kaagad at kinakausap para ayusin.  Bago ito lumaki.

Sa buong mundo sa Pinas, kung may gulo, usapan pa rin. Natural naman sa ating lahat. Kahit sa anong larangan. Sa pamilya, sa barangay, at paitaas.

Na kapag may gulo, tiyak huhusayin… buhay natin ito.  Puede madali, puedeng matagal, depende sa mga kahandaan ng mga nag-uusap na magkasundo.

Sa totoo, kung magastos ang peace negotiations. Pero higit na mas magastos ang armadong giyera. At mas tiyak na marami ang namamatay.

Napahalaga talaga sa kapatiran: ang sarili nating desisyon ang susi. [Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback