TULA: Pag-uusig

(Para sa lahat ng biktima ng mga marahas na pagpatay)

Paano nga ba naisa-saling-wika
Ang panaghoy ng puso na dulot ng pait
Ng kabiguang hindi marinig, na pilit
Na binibigkas ng mga siniil na luha?

May sasapat kayang mga angkop na salita
Upang maikubli ang sakit na umiigpaw
Sa hindi magpatahimik na mga alingawngaw
Ng ngumunguyngoy at nagluluksang diwa?

Saan makahahanap ng kanlungan ang hinagpis
Kung pati ang hangin ay nabingi na rin
Sa mga alulong ng mga nabaliw na hangarin,
At mga ikinahong tagumpay na nabalot na ng hapis?

Saan nga ba uuwi ang naulilang kamalayan
Kung ang bawat espasyo at hunkag na puwang
Ay tahanan na rin ng mga pinunong mang-mang
Kasama ng mga gunitang bumabalabal sa isipan?

Masusumpong ba sa katotohanan ang puso
Kung pilit itong nililinlang ng isipan,
Sa tuwing ito’y humahalihaw ng katuwiran
Kung bakit mailap ang kapayapaan sa tao?

Hanggang kailan papalahaw ang mga tanong?
Ilang panahon ang kailangang kalimutan?
Ilang karanasan ang kailangang damitan,
Upang maitago lamang ang tunay na tanong:

Makalalaya pa nga ba ang tunay na inuusig
Sa nanunudlang paniniil ng dalumat at unawa,
Kapag nagsa-isang-tinig ang wika at dalita,
Na sa iyo’y uusig sa ipinagkait mong pakikinig?

(Ang MindaViews ay opinyon seksyon ng MindaNews. Si Abel D. Soto, edD, ay nabibilang sa hanay ng Departamento ng Edukasyon.)   

Comments

comments