TURNO EN CONTRA: Ang panukalang 2022 Pambansang Badyet ay malinaw na hindi tumutugon sa pangangailangan ng bansa sa gitna ng pandemya

[Turno en Contra Sa HB 10153 (FY 2022 General Appropriations Bill) delivered by Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, House Deputy Minority Leader, on 30 Sept. 2021]

Ginoong Speaker,

Dalawang taon na tayong nakikipaglaban sa pandemya. Ikalawang pambansang badyet ang ipapasa natin na dapat sana ay nakatugon sa kalagayan ng ating bansa sa ilalim ng pandemya.

Sa gitna ng panganib na dulot ng COVID-19, nagsusumikap pa rin tayo sa Kongreso na gawin ang ating mga tungkulin sa pagpasa ng mga batas, at kabilang na rito ang Pambansang Badyet.

Ginoong Speaker, masasabing ang pambansang badyet ang pinakamahalagang batas na ipinapasa ng kongreso taun-taon. Napakahalaga nito dahil sa pamamagitan ng Pambansang Badyet nagtutuluy-tuloy ang operasyon ng gubyerno at nakakapagsagawa ng mga programa at proyekto na tutugon sa mga pangangailangan ng taumbayan. Sa halagang panukalang badyet na limang trilyon, kung mahusay sana ang pamamahala at may tamang prayoridad, siguro ay hindi naghihirap ang ating mga kababayan.

Pero, Ginoong Speaker, hindi maikakaila, sa matagal na ring panahon at hanggang sa kasalukuyan, nagiging instrumento ito ng mga tiwali upang mapagsilbihan hindi ang kapakanan ng bayan kundi ang pansariling interes. Kaya importante ang pagbusisi at pag-aaral at pag-aayos sa ipinanukalang badyet ng Malacañang ngayong taon, lalong-lalo na at nalalapit na ang eleksyon.

At hindi nga tayo nagkamali, Ginoong Speaker. Sa House Bill No. 10153 o 2022 Panukalang Pambansang Badyet na pinagdebatehan natin ng ilang araw, nakita ang pagiging non-responsive nito sa kalagayan ng bansa, ang pagprayoritisa nito sa mga luho, pagpapalakas sa pasismo ng estado, at ang kasakiman sa pwesto.

Ang Pambansang Badyet ng 2022 ay hindi tumutugon sa tunay na pangangailangan sa panahon ng pandemya. Hindi nito pinapahalagahan ang mga frontliners sa sector ng kalusugan, gaya ng mga doctor, narses at iba pang health workers na nanganganib ang buhay sa paglaban sa Covid 19 virus.

Ang nakalaan na badyet sa health ay 203.1B lang samantalang ang para sa defense at public order and safety ay nasa 508.7B. Ano ba ang pangunahing kalaban ngayon? Hindi ba’t ang pandemya?

Nasa pandemya tayo,  subalit:

  • Zero ang badyet para sa kagamitan at imprastruktura o capital outlay ng pitumpu’t dalawang (72) DOH hospitals. Samantalang kinukulang na ang kakayahan ng mga ospital na tumanggap ng mga COVID patients ngayon.
    • PERO! Ginoong Speaker! Mayroong P30 billion para sa General’s Pork ng NTF-ELCAC
  • Zero ang badyet para sa capital outlay ng National Reference Laboratories tulad ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM. Kung maaalala, RITM ang nag-iisang nagpoproseso ng mga COVID-19 test noong 2020.
    • Pero! Mayroong P1.18 trillion para sa Build Build Build na para sa turista at mayayaman
  • Zero ang capital outlay para sa Philippine General Hospital o PGH, samantalang ito ang puntahan ng mahihirap nating kababayan para magpagamot. Kakarampot na P5.66 B lamang ang binigay na budget sa PGH.  Kinaltasan din ng P14 bilyon ang badyet sa kagamitan at operasyon o MOOE ng 64 DOH hospitals. Pati RITM, East Avenue Medical Center ay hindi nakaligtas sa budget cuts.
  • Pero! Ginoong Speaker! Ang Philhealth na korap at maanomalya ay may 79.99 bilyong badyet!
  • Walang pondo para sa special risk allowance o SRA at active hazard duty pay ng ating mga health workers. Napaso na nga ang Bayanihan 1 and 2 ay hindi pa nabibigyan lahat ng healthworkers ng kanilang mga benepisyo.
    • Pero! Bilyon-bilyong pondo ang nakalaan para sa pagpapaganda ng mga kalsada.

Malala pa, Ginoong Speaker, halos mahigit isang bilyong piso ang ibinawas sa badyet ang mga ospital. Hindi na nga sapat ay binawasan pa ang badyet sa  mga serbisyong pangkalusugan at gamit tulad ng PPEs.

Mas lalo pang nakapanggalit, mismong ang pagbili ng booster shots ay inilagak lang sa Unprogrammed Funds o yung mga pondong hindi agad mari-release dahil maghahanap pa ng pondo o ipangungutang pa!!!

Naglaan ng malaking halaga para sa Human Resources for health samantalang marami pang bakante sa higit labing-apat na libong plantilla o permanenteng posisyon.

Mismong si Pres. Duterte na ang nagsabi na magtatagal pa ang pandemya, ngunit sa panukalang badyet ay hindi makikita ang pagmamalasakit sa mga mahihirap at nawalan ng trabaho.

Walang klarong programa para sa ayuda.  Ang banggit ng administrasyon nitong nakaraan, wag ng gawing batas ang Bayanihan 3 at ipasok na lang sa Pambansang Badyet ang ayuda.  Pero, naisahan na naman ang mamamayan dahil walang ayuda para sa kanila!

Bagkus, binawasan pa ang nakalaan na protective services for individuals in difficult times. Kung di man inalisan ng badyet ang ilang programang magsasalba sa ibang sector tulad ng mga drivers, napakaliit ng itinaas ng badyet pantulong tulad ng para sa mga manggagawa at OFWs na nawalan ng trabaho.

Matindi ang misprioritization sa ekonomiyang pinabagsak lalo ng pandemya.

Bilang isang pangunahing agrikultural na bansa, pinakamalaki ang populasyon sa agrikultura. Pero mahigit isang porsyento lamang ng pambansang badyet o 91 Bilyon lang ang inilaan para rito. Walang-wala sa tatanggapin ng DPWH na mahigit 685 Bilyong piso para ipampatayo ng mga imprastruktura.

Kung di man tinanggalan ng badyet ang ilang aspeto sa larangan ng agrikultura tulad na tulong para sa mga nagsasaka ng palay, ay binawasan naman ang pondo para sa iba tulad ng sa research and development, repormang agraryo, patubig, atbp.

Para sa kapakanan ng mga manggagawa, wala pang isang porsyento ng pambansang badyet ang inilaan para sa kanila. Ito ay nasa 44.3 Bilyong piso lang. Sinabi ng DOLE mismo na higit isang milyong OFWs ang apektado ng pandemya.

Gayunpaman, walang inilaan na ayuda para sa mga OFWs. Ang mga inilaan na tulong sa mga nawalan ng trabaho ay hindi sapat sa dami ng unemployed at underemployed.

Ipinagmamalaki ng administrasyon na pinakamataas ang badyet para sa edukasyon. Pero hindi maliwanag ang kinabukasan ng ating mga kabataan sa 2022 Pambansang Badyet.

Tumaas man ang badyet sa edukasyon sa 773 Bilyong piso pero hindi ito sapat sa pangangailangan ng milyun-milyong estudyante at libo-libong guro para sa ligtas na pagbabalik-eskwela.

Binawasan ng badyet ang mahahalagang programa tulad ng Basic Education Facilites, Flexible Learning Options, at iba pa. Walang dagdag-badyet para sa iba pang mahahalagang kagamitan sa pag-aaral. Binabaan din ang mga badyet ng mga State Colleges and Universities.   Samantala,  may apat (4) na mga pamantasan naman sa Bangsa Moro Autonomous Region in Mindanao ay arbitraryong  hindi nilaan ng pondo o zero budget  sa susunod na taon, na mas higit pang naglagay sa alanganin  sa kinabukasan ng ating mga  kabataan at estudyanteng  Moro.

Batay mismo sa President’s Budget Message, P1.180 Trilyon ang inilaan para sa build, build, build program ng administrasyon.  At nakita rin natin yan sa 2022 Panukalang Badyet. Malinaw, na imbes na solusyonan ang mga problemang pang-ekonomiya ng taumbayan, inuuna pa ang maluluho at kwestyonableng mga proyekto tulad ng Manila Bay Rehabilitation — na may kasamang milyon-milyong Dolomite Beach Project sa taong ito —  at ang pork-barrel type na National Greening Program.

Sa gitna rin ng pandemya, kabi-kabila ang pangungutang ng administrasyon, para sa mga grandyosong proyektong tulad ng Chico River Dam, Jalaur Dam, at iba pang DAMN na proyekto. Nagiging lalong kwestyonable ang mga ganitong proyekto na hindi naman direktang makakatulong sa pagsugpo sa COVID19 kundi magpapahirap pa lalo na sa mga mahihirap na komunidad na maaapektuhan ng mga naturang proyekto.

Sa kabilang banda, ang bilyon-bilyong dolyares,  na hindi bababa sa $19 Billion,  na inutang para  daw gamitin sa  paglaban sa pandemya ng COVID-19   ay hindi malinaw na naiipahayag  sa publiko  kung saan at paano ito ginugol.   Dadagdag ito sa napakalaki ng utang ng ating bansa na tinatayang aabot sa P13 na Trilyon sa susunod na taon, sa pagtatapos ng termino ng administrasyong Duerte.

Napakalaki ng inilaang pondo para sa pasismo. Tumampok sa pagbusisi natin sa 2022 Pambansang Badyet ang kwestyonableng dagdag-pondo para sa NTF-ELCAC na P30B. Napakalaking badyet na nga ang napunta sa imprastruktura at nagkalat pa ang badyet para Farm-to-Market roads. Kaya ang P30B na ito na diumano ay para sa mga “cleared barangays” ayon sa NTF-ELCAC, ay malinaw na General’s Pork Barrel na nagkukubli lang sa tabing ng Support to Barangay Development Fund.

Nakita rin sa panukalang Pambansang Badyet ng 2022 ang pagsusubi ng Presidente mismo ng napakaraming pondo sa kanyang kontrol.

Nandyan ang pinakamalaking Confidential and Intelligence funds sa kasaysayan ng Pilipinas, na hindi nabubusisi ng Kongreso at malayo rin sa mata ng COA. Sa regular budget pa lang ng mismong Office of the President na P8.28B, ay mayroon na syang 22.4M bawat araw.

Meron pa siyang Confidential and Intelligence Funds sa halagang 12.3M kada araw! Hindi naman kailangan ng Presidente ang sariling CIF dahil mayroon na nito ang Defense at Security Council. Huwag pang banggitin ang Contingent Fund, Support to Social Infrastructure Program at SAVINGS na nasa ilalim din ng kontrol ng Presidente.

Noong 2016 ng maluklok sa Malakanyang si Pres. Duerte, ang badyet ng CIF ay nasa P500M lamang. Ngayon, panghuling badyet na nito,  mahigit kalahati sa  MOOE o operating expenses budget ng Office of the President, ang Confidential at Intelligence Fund ay sobrang lumubo na sa P4.5 B, na tiyak  gagamitin ito para mas supilin pa ang karapatan ng mga  kiritiko ng administrasyon, ng mga aktibista at  mga miyembro ng oposisyon, lalo pa at papalapit na ang eleksyon at gusto pang manitili sa kapangyarihan ng  pangkating Duterte.

Ang kontrobersyal na Contingent Fund ay pinalaki na ng administrasyon sa halagang 13B.

Hindi na alam ng Kongreso kung saan napupunta ito dahil Presidente lamang ang may control.

Pero hindi pa nakuntento, nag-augment pa rito ng 10.3B savings ng DPWH para ipantustos sa mga pinapaborang mga lugar para sa inaasam na pagpapalawak ng suporta sa darating na eleksyon.

Ang usapin ng  savings. Itinago ng administrasyong Duterte sa publiko ang savings mula 2017.

Noong nakaraang taon, sa mismong plenaryo na ito narinig natin ang tugon ng DBM sa tanong tungkol sa savings. Ang sagot: “Walang savings.” Sagot yan ng dating Kalihim ng DBM noon.

Pero napatunayan nating nagsisinungaling ang DBM dahil napakarami palang savings – bilyon-bilyon ito — at tayo sa Kongreso ay ginawang bulag at inalisan ng power of the purse ng administrasyong ito.

Lalong lumantad ang kasinungalingan sa savings dahil bukod sa mga ulat ng mga ahensya sa Representatsyong ito na mayroon silang mga savings mula 2017,  inilitaw sa 2022 Panukalang Badyet ang Overall Savings, bagay na hindi natin nakita mula 2017 sa budget books.

Sa plenaryo mismo, inamin din ng DPWH na mayroon itong savings taon-taon. At ito ay sa porma ng “decreased cost resulting from competitive bidding” na wala sa depinisyon ng savings sa General Provisions.

Habang nasa kasagsagan tayo ng pinamakahigpit na lockdown noong 2020, kung kailan maraming nawalan ng trabaho, walang makain ang marami nating kababayan, at namamatay ang marami, ay madidiskubre natin ngayon na ang savings ng DPWH ay inilipat sa Contingent Fund. At para ito pondohan ang mga maluluhong proyekto na walang kinalaman sa paglaban sa COVID-19. Ito ay lantarang pagbali sa batas.

Ang pinakahuling ginawa ng administrasyon ay ang mala-DAP (o Disbursement Acceleration Program) na savings sa pamamagitan ng Administrative Order No. 41 at Nationa\l Budget Circular 586.

Samantalang extended ang validity ng 2020 GAA hanggang December 31, 2021, lumikha ng savings ang Executive Department sa gitna ng taon at umabot ito sa mahigit 13B.

Samantalang sa buong panahon ng administrasyong ito, taun-taon na may sobrang badyet na hindi nagamit na umaabot sa daang bilyong piso, walang pakundangan naman ito sa pangungutang nang higit pa sa pangangailangan ng bansa.

Tila walang pakialam sa lumolobong halaga ng pambansang utang na sa loob lang ng 5 taon ay umabot na sa 11 Trilyon. Sa pagtantya ang bawat Pilipino, kabilang ang kapapanganak na sanggol ay may utang na ₱58,252!

Sa pagbusisi natin ng 2022 Pambansang Badyet ay naging malaking tulong ang pagbigay-pansin sa COA audit reports.

Kaya lalo lamang lumantad ang namumutiktik na anomalya at iregularidad sa mga ahensya. Nangangalingasaw sa korapsyon at katiwalian ang mga ahensya sa mga audit reports ng COA. Nalaman din natin ang maraming pondong pinapatulog lang sa ahensya tulad ng sa DOH, DND, DOTr at DPWH.

Ngayong patapos na ang deliberasyon natin sa 2022 Pambansang Badyet,  na kagaya ng mga nagdaan taon sa ilalim ng administrasyong ito ay iratsada na naman ang pagpasa dahil sa tabing na “certified as urgent” ng Malacanang,  hindi pa naman din huli ang lahat para baguhin at ayusin ang mga misprioritization sa  Pambansang Badyet na inihain ang Ehekutibo.

Nararapat lamang na igiit ng kapulungang ito ang kanyang “power of the purse”, kahit pa na sa katotohanan as “coin purse”  na nga lang ito.

Dapat na tumindig tayo sa arbitraryong action ng Ehekutibo sa mga pagtapyas ng mga budget ng mga mahalagang proyekto, altibidad at programa.

Ilan sa mga pangunahing dapat ayusin at igiit natin ay ang mga ito:

  • Alisin at ilipat sa COVID-19 response fund ang 30B pondo ng NTF-ELCAC. Ang halagang ito ay kayang bigyan ng sampung libong ayuda ang 30M na pamilya. Pwede rin nitong mapondohan sa loob ng limang buwan ang P3000 active duty hazard pay ng 1.8 milyong health workers.
  • Ang 4.5B Confidential at Intelligence Funds ng Office of the President ay maaari nang makabili ng higit 2M full sets ng PPEs, o kaya ay 5.6M rapid test kits.
  • Ilipat ang mga walang batayang appropriations sa ilalim ng Allocation to LGUs sa mga programang pangkalusugan at panlaban sa pandemya.
  • Bawasan natin ang mga sobrang pondo sa mga imprastruktura at ilipat sa mga mas kagyat at direktang makakatulong para sugpuin ang pandemya.
  • Bawasan natin ang uutangin at i-ayon sa pangangailangan lang ng bansa!

Ginoong Speaker, mga kasama sa Kamara, sa gitna ng walang kaparis na krisis panlipunan, kung hindi natin aayusin at babaguhin ang panukalang 2022 budget ay magpapatuloy lang ang palpak na tugon sa pandemya na lalong magpapahirap sa ordinaryong mamamayan.

Ang panukalang 2022 Pambansang Badyet ay malinaw na hindi tumutugon sa pangangailangan ng bansa sa gitna ng pandemya, bagkus naghuhumiyaw ito sa pamumulitika, pasismo at pagkapit sa pwesto.

Nananawagan ako, kasama ang Makabayan Bloc, at gayundin ang mga conscientious at hard-working legislators, na i-amend natin ang badyet para sa kapakanan ng taumbayan at hindi ng iilan.

Gawin nating ang 2022 Pambansang Badyet ay tugon sa kahingian at kagalingan  ng ating mamamayan sa gitna ng patuloy na rumaragasang pandemya na nagpasahol pa sa dinadanas na nating krisis.

WAKASAN na ang pahirap, pasakit at korap na pamamahala sa Pambansang Badyet!

Maraming Salamat.

(Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate is a Mindanawon). 

Comments

comments