WebClick Tracer

Indigenous Peoples Gathering on Climate Change Manifesto

Share this story

Ituloy ang laban tungo sa hustisya sa klima,

pagkakapantay-pantay at pagsusulong ng karapatan sa sariling pagpapasya ng mga katutubo!

Manipesto ng pagkakaisa ng mga dumalo sa Indigenous Peoples Gathering on Climate Change

na ginanap noong ika-7 hanggang ika-9 ng Hulyo, 2010 sa HCDC-Maritime Education Program Training Center, Camudmud, Babak, Island Garden City of Samal

Kami, ang mga dumalo sa katatapos lamang na Indigenous Peoples Gathering on Climate Change, mula sa iba’t-ibang pamayanan at organisasyon ng mga lalawigan ng Rehiyon ng Davao (Rehiyon 11) at SoCCSKSARGEN (Rehiyon 12) at lalawigan ng Maguindanao, binubuo ng mga lumad mula sa mga tribung B’laan, T’boli, T’duray, Bagobo, Dibabawon, Sama, Kalagan, Manguangan, Mansaka, Mandaya, Ata-Manobo at Tagabawa, makaraan ang masusing talakayan at palitan  ng kuru-kuro ay nagkaisa at naninindigan sa mga sumusunod na usapin:

KAMI AY KUMIKILALA sa biyayang dulot sa amin ng kalikasan upang kami ay mabuhay – tirahan, sakahan, sariwang hangin, malinis na tubig, sariwa at masustansyang pagkain, at halamang gamot.

KAMI AY SAKSI sa nagbabagong klima sa aming mga pamayanan, nakararanas kami ng matindi at di-pangkaraniwang init at tagtuyot na pumipinsala sa aming mga pananim at nagpapababa ng aming mga ani pati ang paglitaw ng mga panibagong uri ng peste sa sakahan, malalakas at biglaang pag-ulan na nagdudulot ng malawakang pagbaha, landslides at pagkalat ng sakit.

KAMI ANG UNANG-UNANG APEKTADO ng pabago-bagong klima dahil hindi na namin matiyak kung kailan ang tamang panahon upang magtanim at mag-ani. Ang dati naming mayayamang katubigan ay natutuyo at ang mga yamang tubig gaya ng isda ay nangangawala na. Nakita namin ang patuloy na pagkakalbo ng mga kagubatang dati naming panirahan at pinagkukunan ng ikabubuhay. Hindi rin maikakaila ang patuloy na pagtaas ng antas ng dagat na dahilan upang mapilitang lumikas ang maraming pamayanan.

KAMI AY LABIS NA NABABAHALA sa mga proyekto at programang pumapasok sa aming mga lupaing ninuno gaya ng mga minahan at plantasyon, pagtotroso, pagmimina ng karbon at pagtatayo ng mga coal fired power plants, hydro power dams, geothermal plant expansion, na nagdudulot ng kasiraan sa kalikasan at nagpapalala sa krisis sa klima. Pinatitindi rin ng mga proyektong ito ang paglabag sa aming mga karapatan, paghahati sa aming pamayanan at banta sa aming hangaring tuluyang maangkin at mapakinabangan ang aming mga lupaing ninuno.

NALULUNGKOT KAMI sa pagpapatupad ng pamahalaan ng mga polisiya at programang sa halip na makatulong sa mga pamayanan at maka-angkop sa epekto ng lumalalang krisis sa klima, ay nagpapatindi pa sa aming bulnerabilidad at pagkasira ng kalikasan kagaya ng walang pakundangang paglalaan ng aming mga lupaing ninuno sa kamay ng mga dambuhalang dayuhang kompanya ng mina, plantasyon, enerhiya, at iba pa sa ilalim ng polisiya ng neoliberalisasyon.

KAMI AY NANINIWALA na ang kalakhang bahagi ng pananagutan para sa kasalukuyang krisis sa klima ay nasa mga mauunlad na bansa gaya ng Estados Unidos, European Union at Japan na nakamit ang kanilang kasalukuyang antas ng kaunlaran sa pamamagitan ng walang habas na paggamit ng murang enerhiya mula sa pagsunog ng fossil fuels sa loob ng halos tatlong daang taon. Ang polusyon na naipon sa himpapawid mula sa kanilang mapanirang sistema ng produksyon at pagkonsumo ang siyang pangunahing dahilan ng pag-init ng mundo at sa pagbabago ng pandaigdigang klima.

KAMI AY MARIING TUMUTUTOL sa mga isinusulong na mapagpanggap na solusyon gaya ng “carbon off-setting”, Clean Development Mechanism at Reducing Emissions from Deforestation and Forest Degaradtion plus (REDD+) na magbibigay-daan sa pag-iwas ng mga pangunahing may-sala sa kasalukuyang krisis sa klima─ang mga mauunlad na bansa sa kanilang makasaysayang pananagutan sa pananalantang dulot ng krisis sa klima.

IPAGLALABAN AT PANGANGALAGAAN namin ang aming mga kagubatang pinanggagalingan ng aming buhay mula sa tangkang gamitin ito sa pagnenegosyo ng iilan sa ngalan ng paglaban sa pagbabago ng klima. Hindi dapat pagkakakitaan ang tungkuling panatilihin ang kagubatan at gawing pampalit sa responsibilidad ng mayayamang bansa na magbawas ng polusyong patuloy nilang ibinubuga. Ang pagsusulong ng plantasyon bilang panibagong anyo ng kagubatan ay asy isang kahungkagan at hindi nagsisilbi sa katutubong pamayanan at sa kalikasan kundi sa interes ng mga may makasaysayang pananagutan sa pagbabago ng klima.

KAMI AY NAGKAKAISANG IGIIT na dahil sa kanilang maksaysayang pananagutan sa pagsisilang at pagpapalala sa krisis sa klima, may pagkakautang ang mga mayayamang bansa, na kailangan  nilang bayaran sa pamamgitan ng kagyat at malawakang pagbabawas  ng kanilang ibinubugang polusyon sa himpapawid (greenhouse gas emissions) at sa agarang pagpapalabas ng panibagong pondo ug tamang teknolohiya upang tulungan ang mahihirap na bansa at bulnerableng sektor na maka-angkop sa epekto ng pagbabago ng pandaigdigang klima.

KAMI AY NANANAWAGAN  sa lahat ng sektor ng lipunan sa lokal ug international na patuloy na humanap ng mga angkop na tugon sa krisis sa klima gaya ng mga community-based at small-scale na alternatibo na nagpapahalaga sa likas-yaman, kalusugan, kaseguruhan sa pagkain at kabuhayan na tityak sa mas sustinableng kinabukasan para sa mga darating pang salinlahi.

KAMI AY NAG-AALAY ng aming indibidwal at kolektibong kakayanan para sa lalong pagpapalalim at pagpapalaganap ng pagkaunawa sa mga usapin kaakibat ng pagbabago sa klima at higit sa lahat sa pagsusulong ng panawagan para sa hustisya sa klima tungo, kaakibat ng tuloy-tuloy na pagsusulong at pagiit sa aming mga karapatan sa lupaing ninuno at sa sariling pagpapasya.

BAGUHIN ANG SISTIMA HINDI ANG KLIMA!

HUSTISYA SA KLIMA, NGAYON NA!

ISULONG, KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA!

Bilang patunay, aming inilalakip ang aming pirma, ngayong ika-9 ng Hulyo, 2010, sa HCDC-Maritime Education Program Training Center, Camudmud, Babak, Island Garden City of Samal.

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews