STATEMENT: State of Marawi Bakwit (Sombak) 2020

Noong  SONA 2019, BAGSAK ang grado namin kay Duterte. Ngayong SONA 2020, BOKYA. Sa ingles, ZERO.

Walang nagawa, walang ginawa. Lahat ng pangako ng mga nakaraang SONA, puro napako.

Tatlong taon na kaming bakwit. Hindi pa rin kami nakaka Balik Marawi. Ang masaklap — mukhang nakalimutan na kami. BOKYA na ba talaga?

Lubhang mahirap ang panahon ngayon. Maraming problema ang bansa. Pataas pa rin ng pataas ang bilang ng mga nagkakasakit sa COVID-19. Maraming namatay. Maraming nawalan ng trabaho. Maraming nalugi ang negosyo. Bagsak na bagsak na ang ating ekonomiya. Subalit ano nga ba ang priyoridad?

Imbes na unahin ang paglaban sa COVID-19, inuuna pa ang persikuyong pulitikal kagaya ng nangyari sa ABS-CBN at kay Maria Ressa, pagkitil ng ating mga karapatang pantao at ang paniniguro na mariin ang kapit sa pwesto.

Pero paano ang taumbayan? Paano kaming mga Meranao?

Mahirap na nga ang aming kalagayan, lalo pang pinahirap dahil sa COVID-19. Hanggang ngayon, lampas dalawampu’t limang libong mga pamilya o higit pa sa isandaang dalawampu’t anim na libong mga indibidwal ang nananatiling bakwit. Sa bilang na ito, kulang-kulang sa tatlong libong pamilya ang nakatira pa rin sa mga transitory shelters na kulang ang akses sa malinis na tubig at kung saan hirap mag social distancing.

At ngayon meron pang isang pangamba — malapit nang mapaso ang tenure at shelter contracts naming mga bakwit na nakatira sa transitory shelters. Kaya ayun, nga-nga na lang ba?

Ang aming pakiusap: Pwede ba, totoong trabaho naman sana sa pagbangon ng Marawi. Galaw-galaw naman dyan, Secretary Eduardo del Rosario! At habang tinatrabaho ninyo ang rehabilitasyon ng Marawi, aba’y pabalikin nyo na rin kami. Tutal, ang sabi ninyo nalinis nyo naman na yung mga bomba sa most affected area. Baka naman pwede ito, Pangulong Duterte? Tutulong pa kami para mapadali ang inyong trabaho, tutal kelangan kasali ang komunidad sa totoong inclusive development, di po ba?

Bukod dito, kung napabilis ninyo, Pangulo, ang galaw ng Kongreso sa pagsiil ng prangkisa ng ABS-CBN, baka naman pwedeng ganun din kabilis ninyong aksyunan ang tatlong panukalang Compensation Bills na mahigit isang taon nang nakahain sa Kamara at ang counterpart nito sa Senado na nakabinbin sa committee level. Baka naman pwede ring gumalaw na ang mga mambabatas upang matulungan nyo kami sa aming pagbangon. Tutal, ginamit nyo na nga kaming dahilan para lang maipasa ang Anti-Terror Law. Di rin kami sang-ayon dito ha dahil kami higit sa lahat ang nakakaalam kung gaano katindi ang pwedeng maging epekto ng pag-abuso sa batas na ito.

Eto ang totoong SONA… ito ang totoong kalagayan naming mga bakwit ng Marawi. Sana naman may konti pang konsiderasyon na nailalaan ang Pangulo at ang gobyernong ito para sa lahat ng Pilipino at sa aming mga bakwit. Ang kailangan po ay tulong, hindi kulong; totoong solusyon, hindi kolusyon ng mga ganid at mapang-api.

Ang hiling namin, Pangulong Duterte, ay pakinggan mo ang panawagan ng bayan, pakinggan mo ang panawagan ng Marawi. Sana naman, hindi BOKYA ang sagot mo sa amin.

Comments

comments